Paghahanda ng Lupa -
Pumili ng lupang buhaghag na hindi natutuyuan ng tubig. Araruhin at suyurin ng isang beses ang lupa kung gagamit ng malaking traktora at dalawang beses kung gagamit ng kalabaw. Magtudling na may agwat na 75 sentiemtro.

Pagtatanim - Kumuha ng mga pananim mula sa tangkay ng mga halaman na may walong buwang gulang pataas, walang sakit at walang tama ng insekto. Putul-putulin ang mga tangkay sa habang 20-30 sentimetro bawat putol. Paghiwalayin ang mga pinutol na bahagi ayon sa parteng pinagmulan nito; isang grupo para sa mga pinutol mula sa pinakamababang bahagi ng tangkay, isa, para sa mga pinutol mula sa gitnang bahagi at isa, sa mga pinutol mula sa dulong bahagi ng tangkay. Sama-samang itanim ang bawat tangkay mula sa magkakatulad na bahagi.
Ang tangkay na pinutol na naimbak sa malamig at malilim na lugar ay tatagal sa loob ng tatlong buwan, ngunit mas mainam pa rin gamitin ang sariwang pananim. Magtanim sa layong 75 x 75 sentimetro. Maaring itanim ito ng pahiga, patayo o medyo pahiga. (Pahiga angkop sa tuyong lupa o kung tag-araw; patayo na nakalitaw ang ikatlong bahagi angkop sa basang lupa o kung tag-ulan, medyo pahiga angkop sa katamtamang dami ng tubig sa lupa. Magtanim sa daang araro o tudling (furrow) kung tag-araw at sa bunton ng lupa (ridge) kung tag-ulan. Kailangan mag-ulit tanim sa mga bahaging hindi tumubo makalipas ang dalawang linggo pakatanim.

Pag-aabono

Maglagay ng walong sakong 14-14-14 sa bawat ektarya; ang kalahati (apat na sako) ay ilagay sa araw ng pagtatanim (basal) ang natititrang kalahati (apat na sako) ay ilagay dalawang buwan pagkatanim bago tabunan ng lupa o gahukan ang mga puno ng halaman (hilling-up). Maglagay ng abono 15 sentimetro mula sa puno ng halaman o ibudbud ito sa hanay ng mga halaman. Patubigan ang taniman upang matunaw ang abono.

Maglagay ng kompost o tuyong dumi ng hayop (50 sako sa bawat ektarya) habang inihahanda ang lupa upang maihalo ito nang husto sa lupa.

Pagpapatubig

Magpatubig kung tag-araw lalong-lalo na sa unang tatlong buwan pagkatanim at kung kinakailangan lamang sa tag-ulan.

Pagsugpo ng Pesteng Kulisap at Sakit

Ang spider mite ang pinakamapinsalang pesteng kulisap ng kamoteng kahoy. Magbomba lamang ng angkop na kemikal kung kinakailangan ayon sa dami at tindi ng paninira ng pesteng kulisap.

Ang cassava bacterial blight at Cercospora leaf spot ay kalimitang umaatake sa kamoteng kahoy. Gumamit ng mga pananim mula sa mga halamang walang sakit. Bunutin at sunugin ang mga may sakit na halaman.

Pagsugpo ng Damo
Panatilihing walang damo ang taniman lalo na sa unang dalawang buwan pagkatanim. Padaanan ng araro ang taniman (off-barring) 3-4 na linggo pagkatanim at ulitin ito (hilling-up) 6-8 linggo pagkatanim. Iwasan ang pag-alis o pag-bunot ng damo 8 linggo pagkatanim para hindi ma-apektuhan ang paglalaman ng kamoteng kahoy. Tabasin na lamang ang mga matataas na damo.

Pag-Ani - Tingnan o magsampling sa taniman walong buwan makalipas itanim ang kamoteng kahoy kung maari ng anihin. Bunutin ang mga tanim nang manu-mano lalo sa lupang buhaghag. Sa lupang medyo matigas maaring gumamit ng bareta o taktak. Ibaon ito sa lupa upang magsilbing lever, o di kaya’y padaanan ng araro ang gilid ng halaman upang mabuhaghag ang lupa.
Ingatang hindi maputol o masugatan ang mga laman habang binubunot upang maiwasan ang dagliang pagkabulok nito.

Kung aanihin na manu-mano putulin muna ang tangkay ng halaman at mag-iwan ng kaunting bahagi mahahawakan sa pagbunot. Kung maari palipasin muna ang 3 hanggang 4 na araw bago bunutin ang tanim upang hindi kaagad masira ang mga laman pagkaani. Tanggalin ang mga laman sa tangkay gamit ang matalas na itak at tanggalin ang nakakapit na lupa gamit ang patpat na kahoy. Hugasan ang kamoteng kahoy at patuyuin sa hangin bago gawing chips kung gagawing arina bilang pagkain at kung gagawing pagkain sa hayop huwag na itong hugasan.

Paggawa ng chips,granules at flakes
Maaring gawing chips ang kamoteng kahoy gamit ang mekanikal na chipper o kaya ang matalas na itak. Mga 1/4 hanggang 1/2 pulgada ang kapal ng chips. Patuyuin ang chips sa init ng araw gamit ang trapal o kaya sa sementong biladan. Umaabot ng 2 araw ang ang pagpatuyo hanggang umabot sa 14% na moisture content. Maari din itong gawing granules 8-10 mm ang kapal at sa flakes naman 2-3 mm ang kapal. May mabibili na ngayong mga mechanical granulator.

 

 

Ang babasahing ito ay hango sa ginawa ng UPLB Information Education and Communication Program at ng SMC Agribusiness Development and Operations Group Inihanda ng Regional Agriculture and
Fisheries Information Division Department of Agriculture RFU 5
San Agustin, Pili, Cam. Sur Tel. # 361-18-58