SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR – Bilang paghahanda sa El Niño, ang DA Bicol ay may inilaang P3.3B interbensyon para sa mga magsasaka at mangingisda ng Bicol region sa huling tatlong buwan ng 2026.
Mula sa Department of Agriculture – Bicol banner programs, locally funded at special projects ay may nakalaang P763,800,929. Ang Philippine Crops Insurance Corporation (PCIC) 5 ay may inilaang P408,291,691 insurance indemnification para sa 225,736 benepisyaryong magsasaka. Ang National Irrigation Administration (NIA) 5 ay may nakalaang P861,968,000 para sa irigasyon. Ang PhilRice Bicol ay may nakahandang P302,601,200 para sa mga binhing certified seeds. Ang Philmech naman ay may nakahandang P249,770,993 halaga ng makinaryang pangsaka na ipapamahagi sa Bicol. May mga inilaang pondo din ang Phil. Coconut Authority (PCA) 5 – P98,712,555; BFAR – P55,912,555; Sugar Regulatory Authority – P10,942,000; PhilFIDA – P520,640; ATI 5- P22,687,976.
Nakapamahagi na ng mahigit P520M ang buong ahensya ng Department of Agriculture sa Bicol kaugnay ng nararanasang kakulangan sa ulan sa nakalipas na mga buwan mula Hunyo hanggang Setyembre.
Sa pagbisita ni Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. sa Camarines Norte at Sorsogon ngayong linggo, ibinalita niya na mahigit 100 units na Shallow Tube Wells ang agarang ipapatayo sa mga sakahan na may source ng tubig sa mga nasabing probinsya.
Dagdag pa ng kalihim, nasa procurement stage na ng DA ang karagdagang fertilizer, mga solar pumps at solar irrigation. Mamamahagi na rin ng alternative seeds na may laban sa tagtuyot tulad ng monggo, mais, at mga piling gulay. Mamahagi din ng fuel assistance sa mga magsasaka na gumagamit ng makinarya at mangingisda na may bangka sa buwan ng Nobyembre.
Samantala, umabot na sa P235,827,500 ang naiulat na pinsala sa agrikultura na nakaapekto sa 8,009 magsasaka. Pinakamalaki ang naging pinsala sa palay na umabot sa P192,552,914 na katumbas ng 81% ng kabuuang pinsala. Masbate ang nagtala ng pinakamalaking pinsala sa 2,794 ektarya.
Ayon kay DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla, aabot naman sa mahigit P344M ang halaga ng rehabilitation plan na isusumite ng DA Bicol sa DA Central Office upang mabigyan ng kaukulang pondo. (Lovella P. Guarin)
