CARAMORAN, CATANDUANES — Naghatid ng pag-asa sa mga magsasaka at mangingisdang lubhang naapektuhan ng bagyong Uwan sa Catanduanes ang pagbisita nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ika-13 ng Nobyembre sa Brgy. Tubli, kasama ang ilang miyembro ng kanyang gabinete kabilang na si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Kinumusta ng Pangulo ang kalagayan ng mga bakwit sa Tubli Elementary School. Personal niya ring inalam ang mga pangangailangan ng mga ito at inatasan ang mga Kalihim at mga direktor ng bawat ahensya sa rehiyon ng agarang aksyon.
Isa sa mga nakausap ng Pangulo si Asuncion C. Bendicio, residente ng Brgy. Sabangan, Caramoran, Catanduanes na tinangay ng malalakas na alon ang kaniyang bahay pati na rin ang bangkang ginagamit sa hanapbuhay ng kanyang asawang mangingisda.
โPres, maraming salamat po sa pagbisita mo sa amin. Nakita mo po ang aming kalagayan. Maraming, maraming salamat, nakaluwag ng kaunti ang aming pakiramdam. Ang problema namin dito, wala po kaming bahay, wala po kaming maisusuot, โyung mga damit, gamit pang-kusina, at bangka po ng asawa ko, lahat ay natangay ng alon. Sana po matulungan mo po kami,โ ani Bendicio.
Tiniyak ng Pangulo na katuwang ang DA Bicol, mabibigyan si Bendicio at iba pang nasalanta ng bagyong Uwan ng bagong bangka at alternatibong kabuhayan sa lalong madaling panahon. Mamimigay din ang DA Bicol ng mga binhi ng ibaโt ibang cash crops habang siniguro naman ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) na mamamahagi sila ng mga pananim na abaca. Magbubukas din ang DA Bicol kasama ang National Food Authority (NFA) ng Kadiwa Store kung saan makakabili sila ng bigas na nagkakahalaga lamang ng bente pesos bawat kilo sa ilalim ng Rice for All Program ng ahensya sa loob ng tatlong buwan.
Patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ni DA Bicol Regional Executive Director Rodel Tornilla sa mga pinuno ng iba pang mga ahensya, Agricultural Program Coordinating Office at Provincial Agriculture Office sa Catanduanes upang masiguro na agad na maihahatid ang mga ayuda sa mga benepisyaryo sa probinsya.
Sa inisyal na ulat ng DA Bicol noong ika-12 ng Nobyembre, tinatayang nasa P35.65 milyon ang nakalaang pondo para sa lalawigan ng Catanduanes. Kabilang dito ang P33.94 milyong halaga ng mga binhi mula sa rice at High Value Crops Development Program (HVCDP), mga biik, kambing, at manok mula sa livestock and poultry programs; P1.45 milyong halaga ng bigas mula sa NFA; P140,000 halaga ng tilapia fingerlings mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR); at P117,610 na pananim ng niyog mula sa Philippine Coconut Authority (PCA). Maaari pa itong madagdagan habang tinatapos ng ahensya ang Rehabilitation Plan para sa buong rehiyon. Sa kasalukuyan ay aabot sa P169.54 milyong piso ang panukalang badyet para sa inisyal na plano para sa rehabilitasyon ng probinsya. Kabilang dito ang P24.80 milyong piso para sa BFAR at P136.11 milyon para sa PhilFIDA na siyang nangangasiwa sa pagpapalakas ng industriya ng abaca, ang pangunahing produkto ng probinsya.
Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5
Kuhang larawan nina: Zandra G. Abogado at Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5
