STA. MAGDALENA, SORSOGON – Aabot sa 2,500 benepisyaryo ang tinatayang makakabili ng P20 /kilo na bigas ngayong araw sa P20 Rice Program launching sa ilalim ng Benteng Bigas Meron na program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na isinasagawa ngayon ika-15 ng Hulyo sa Municipal Covered Court.
Kabilang sa maaaring makabili ng tig -10 kilong bigas ay mga senior citizens, solo parents, PWDs, miyembro ng 4Ps, drivers ng pampasaherong mga sasakyan, mga magsasaka, mangingisda, minimum wage earners at mga guro ng DepEd kasama ang mga non-teaching staff.
Hinimok naman ni Food Terminal Inc. Vice President for Operations Atty. Mark Christopher Babor ang mga provincial at municipal Local Government Units, pati na ang mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) na may Kadiwa Stores na magpa-accredit sa FTI upang makapag benta din ng P20 bigas. Naroon din si Jemma Ocampo ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) at Stewart C. Ocampo, Market Specialist ng II ng DA – AMAS na nagbigay ng mensahe ni Atty. Genevieve Guevarra, DA Asst. Secretary for Agribusiness, Marketing, and Consumer Affairs.
Ang roll out ay dinaluhan ni Sta. Magdalena Mayor Mark Jewery Lozano; Sorsogon Provincial Agriculturist Maria Teresa Destura; Municipal Agriculturist Myra E. Fresnido; at Sorsogon Assistant APCO Roser Rebellion.
Naroon din si Juliet Manguerra, Chief, Data Base Management Division at Engr. Teddy Casucog, Asst. Chief, Network Operations and Management Division ng DA- Information and Communication and Technology Service para sa pagsisimula ng digitalisasyon ng listahan ng mga benepisyaryo ng programa sa nasabing bayan at lalawigan ng Sorsogon.
Ang P20 Benteng Bigas Masterlist Registry System (PBBBMRS) ay isang web based application na naglalaman ng listahan ng mga P20 beneficiaries sa buong bansa. Ito ay binuo ng DA – Information and Communication Technology Service (ICTS) na nakabase sa Quezon City. (Lovella Guarin) (Mga kuhang larawan ni Eduardo Collantes, Jr.)
