PILI, CAMARINES SUR – Pormal nang binuksan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Bicol Mega Cold Storage facility na pinaka-unang completed project sa bansa sa ilalim ng DA Cold Storage Expansion Program ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.

Ang 2,300 square meter na mega cold storage facility na matatagpuan sa barangay San Jose, Pili, Camarines Sur ay pinondohan ng Kagawaran ng Pagsasaka nagkakahalaga ng P500 M. Ito ay may anim (6) na temperature- controlled rooms para sa karne ng baboy, baka, manok, isda, gulay at prutas. Ito ay mayroon ding blast freezer, packaging at processing rooms, ice plant, refrigerated delivery trucks, storage areas at loading/unloading bays.

Katuwang sa implementasyon ng proyekto ang Provincial Local Government of Camarines Sur sa pamumuno ni Governor Luis Raymund Villafuerte.

Ito ay inaasahang makakatulong na maseguro ang food security, food safety, at mas pinahabang shelf life ng mga produktong pang agrikultura. Bukod sa maiwasan ang maagang pagkasira ng mga produkto, Inaasahan ding makakatulong ito sa pag-stabilize ng supply ng pagkain sa rehiyon.

Ayon kay Regional Executive Director Rodel P. Tornilla, aabot sa 200,000 farmers ang magbebenepisyo sa Mega Cold Storage. Mababawasan din ng humigit kumulang P20,000 per annum ang postharvest losses ng mga magsasaka at hindi na sila mapipilitang magbenta ng kanilang produkto sa gitna ng napakababang presyo sa panahon ng peak harvest season dahil sa over supply, dahil may paglalagakan na sila ng kanilang produkto.

Ayon kay Dr. Alex Templonuevo, Regional Director ng National Meat Inspection Service malaki din ang gagampanan ng Bicol Mega Cold Storage facility sa food safety dahil mangangailangan ito ng license to operate mula sa NMIS at sasailalim din sa pagsasanay ang mga manggagawa dito lalo na sa handling ng karne ayon sa food safety program.

Nasaksihan ng aabot sa 150 magsasaka at mangingisda na myembro ng mga clustered farmersโ€™ associations ang pagbubukas ng nasabing Mega Cold Storage facility. Samantala dumalo din ang mga pinuno ng mga attached agencies at korporasyon ng DA Bicol sa pagbubukas ng cold storage nitong ika-23 ng Marso 2026. (Lovella P. Guarin | photos by RAFIS 5)