CAMALIG, ALBAY – Mahigit 20 miyembro ng Bikol Cacao Growers Association, Inc., kasama ang ilang cacao farmers, cluster leaders, at technical staff, ang lumahok sa isinagawang Training on Cacao Production, Processing and Sustainability Practices to Combat Climate Change, na ginanap nitong ika-9 hanggang ika-10 ng Disyembre. Ito ay isang proyekto ng Department of Agriculture – Bicol sa ilalim ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program.
Layunin ng dalawang araw na pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga cacao growers upang mapaunlad ang produksyon; mapahusay ang pagproseso; at mapagtibay ang mga pamamaraang angkop sa nagbabagong klima.
Sa unang araw, nagbahagi ng kaalaman si Jonathan Zamora, RAgr., Agriculturist II mula sa DA RFO MIMAROPA, hinggil sa Cacao Production and Sustainability Practices to Combat Climate Change. Ipinunto niya ang tamang pag-aalaga ng cacao at mga estratehiya upang manatiling matatag ang ani sa kabila ng pabago-bagong panahon. Tampok din sa talakayan ang aktwal na demonstrasyon ng hypocotyl grafting, na nagpakita ng mas epektibong paraan ng paghuhugpong para makalikha ng mas matibay at mas produktibong cacao seedlings.
Samantala, ginanap naman ang ikalawang araw ng pagsasanay sa Muravah Foundation Processing Facility sa Camalig, Albay, kung saan isinagawa ang lecture at on-site demonstration ukol sa cacao drying and fermentation. Pinangunahan ito nina Robert Charles Murray, Chairman; Lorie Bañas, General Manager; at Alan Aguilar, Farm and Factory Manager ng Muravah Foundation, Inc. Dito ipinahayag ng korporasyon ang kahalagahan ng wastong pagpapatuyo at pag-ferment bilang pangunahing hakbang sa paglikha ng mataas na kalidad na cacao beans na tumutugon sa pamantayan ng pandaigdigang pamilihan. Inilahad din nila ang proseso at dedikasyong nagpasulong sa Muravah Foundation upang maging mahalagang katuwang sa pagpapaunlad ng industriya ng cacao sa Bicol, lalo na sa patuloy nitong pagpapalago at pag-abot nito sa internasyonal na merkado. Patunay ito na may kakayahan ang rehiyon na makipagsabayan at magtaguyod ng dekalidad na produktong agrikultural.
Ulat nina: Emie Jane Malonzo at Angela Mae Lafuente, DA RAFIS 5
Kuhang larawan nina: Ramon Adversario at Angela Mae Lafuente, DA RAFIS 5
