SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR – Bilang pagkilala sa mahahalagang ambag ng mga indibidwal at barangay LGUs sa pagsusulong ng food security at nutrisyon, isinagawa ang 4th High Value Crops Achievers Award at 2nd Gulayan sa Barangay Best Implementers Awarding Ceremony nitong ika-16 ng Disyembre sa DA Compound.

Pinangunahan ni DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla ang paggawad ng mga tseke sa mga nanalo sa taunang patimpalak ng High Value Crops Development Program (HVCDP) sa pamumuno ni OIC Regional Technical Director at HVCDP regional coordinator Dr. Mary Grace DP. Rodriguez.

Tinanghal na High Value Crops Achievers Hall of Famers sina Engr. Cesar Cordenete Jr. ng Camalig, Albay at Nerissa Villaluz ng Daet, Camarines Norte, na tumanggap ng tseke na nagkakahalagang ₱50,000 para sa kanilang natatanging kontribusyon sa sektor. Ang iba pang huwarang indibidwal na ginawaran ay sina Julie Ann Lopez ng Virac, Catanduanes; Engr. Ailine Llagas ng Daraga, Albay; Alvin Alvaro ng Naga City; Dyana Falcon ng Paracale, Camarines Norte; Lisa Paet ng Ragay, Camarines Sur; at Noli Pielago ng Sagnay, Camarines Sur. Bawat awardee ay tumanggap ng ₱20,000 at plaque of recognition para sa kanilang pagsisikap at tagumpay sa pagpapaunlad ng high value crops.

Sa Gulayan sa Barangay Best Implementers Award, nanguna ang Barangay San Roque, Sorsogon City, na ginawaran ng ₱150,000. Pangalawa ang Barangay San Isidro, Talisay, Camarines Norte, na tumanggap ng ₱100,000, habang ikatlo naman ang Barangay Tigbi, Tiwi, Albay, na ginawaran ng ₱50,000.

Bukod dito, tinanggap ng Barangay Buenasuerte, Pio V. Corpuz, Masbate ang mga parangal na Best in Video Presentation at Best in Innovation, habang nasungkit naman ng Barangay Sta. Rosa, Viga, Catanduanes ang mga parangal na Best in Layout and Design, Best in GAP Compliant, at Best in Innovation.

Kasabay ng mga pangunahing parangal, kinilala rin ang iba pang Provincial at Municipal Local Government Units (PLGUs at MLGUs) na lumahok sa programa, gayundin ang iba pang Gulayan sa Barangay entries kabilang ang Barangay Sta. Rosa, Viga, Catanduanes; Barangay San Pedro, Gigmoto, Catanduanes; Barangay Buenasuerte, Pio V. Corpuz, Masbate; Barangay Minadongol, Sagnay, Camarines Sur; Barangay Sta. Elena, Iriga City; at Barangay Calabagas, Camarines Norte. Ang bawat barangay ay tumanggap ng ₱5,000 bilang consolation prize sa kanilang pagsisikap sa pagpapatupad ng gulayan sa komunidad.

Ulat ni: Emie Jane Malonzo, DA RAFIS 5

Kuhang larawan ni: Angela Mae Lafuente, DA RAFIS 5