SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR โ Nagsagawa ang Department of Agriculture Regional Field Office 5 (DA Bicol), sa pamamagitan ng Regulatory Division, ng Orientation Seminar hinggil sa pagpapatupad ng Animal Welfare Act o Republic Act No. 8485, na inamyendahan ng Republic Act No. 10631, at iba pang kaugnay na mga regulasyon sa transportasyon at paghawak ng mga hayop at produktong panghayupan.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng kabuuang 115 backyard at commercial livestock raisers, biyahero at mga benepisyaryo ng INSPIRE Program mula sa lalawigan ng Camarines Sur.
Layunin ng seminar na palawakin ang kaalaman at kamalayan ng mga kalahok hinggil sa mga umiiral na polisiya at pinakabagong kautusan ng ahensya na may kaugnayan sa kapakanan ng mga hayop, biosecurity measures, at wastong paghawak, transportasyon, at pagmomonitor ng mga hayop at produktong panghayupan.
Kabilang sa mga tinalakay ang Animal Welfare Act at ang mga regulasyon sa transportasyon ng mga buhay na hayop. Tinalakay rin ang mga alituntunin sa lokal na transportasyon at pagdadala ng mga hayop, animal products, at by-products, kasama ang mga umiiral na veterinary quarantine rules, regulations, at iba pang kaugnay na issuances. Nagbahagi rin ng mahahalagang impormasyon ang mga kinatawan mula sa Bureau of Animal Industry โ National Veterinary Quarantine Services hinggil sa Administrative Order No. 13, Series of 2025, na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng DA Administrative Order No. 5, Series of 2019. Binigyang-diin nila ang proseso ng pagpaparehistro ng mga animal facilities at ang mga gabay sa pagkuha ng lisensya at permit para sa mga handlers at transport carriers ng livestock, poultry, at by-products.
Pinaalalahanan din ang mga kalahok sa kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon upang matiyak ang kapakanan ng mga hayop, mapanatili ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong panghayupan, mapalakas ang biosecurity measures, at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na maaaring makaapekto sa industriya ng paghahayupan.
Patuloy na isinusulong ng DA Bicol ang mga programang nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapalakas ng kakayahan ng mga stakeholder bilang bahagi ng adhikain nitong maisulong ang isang responsable, ligtas, at naayon sa batas na industriya ng paghahayupan tungo sa higit na matatag na seguridad sa pagkain at likas-kayang pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa rehiyon. (Ulat ni: Angela Mae P. LafuenteโจKuhang larawan ni: Zandra Abogado)
