SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR – Upang mapaigting ang surveillance at monitoring sa mga baboy at upang maiwasan ang muling pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa Camarines Sur, gagamit na ang Department of Agriculture (Bicol) ng ASF rapid test kit sa mga municipal slaughterhouses.

Ayon kay Dr. Alex Templonuevo, Regional Director ng National Meat Inspection Service (NMIS), na namamahala sa operasyon ng mga slaughterhouse, meat inspection at compliance ng mga meat establishment sa mga standard ng NMIS, madaling makita kung may ASF virus antigen ang dugo ng baboy sa loob ng 15 minuto sa paggamit ng rapid test kit.

Nagpapatuloy din ang DA Bicol Regulatory Division sa ginagawang surveillance o pagkalap ng mga blood samples sa mga baboy sa barangay kung saan may mga nagpositibong baboy. Ito ay isinasagawa ng mga beterinaryo ng DA Bicol Regulatory Division. Ang mga depopulation naman ay isinasagawa ng mga kinauukulang Municipal Local Government Units (MLGUs) sa tulong ng mga tauhan ng DA Bicol Livestock Program na nag-aasikaso para sa indemnification o bayad-pinsala sa mga nag-aalaga ng baboy kung ang kanilang alaga ay dumaan sa depopulation.

Sa kasalukuyan, sa lalawigan ng Camarines Sur ay may mga positibong kasong naitala sa Iriga City (barangay San Isidro, Francia, La Purisima, Santiago, La Trinidad, La Anunciation, Salvacion at Sto. Domingo); sa bayan ng Nabua (Lourdes Old at Antipolo Old); sa bayan ng Pili (Bgy. Pawili); bayan ng Pamplona (Bgy. Cagbunga); at bayan ng Ragay, Cam. Sur (Bgy. Inandawa).

Ang lungsod ng Naga na nakapagtala ng positibong kaso nitong ika-5 ng Agosto ay nakapagsumite na ng requirements sa DA-BAI para makabalik sa pagiging Pink Zone o ASF free zone.

Samantala ang pinakahuling kaso ng ASF ay naitala sa Bgy. Hicming, Virac, Catanduanes at sa 3 barangay ng Pandan, Catanduanes (Del Sur, Napo, at Libod) batay sa Real-time PCR for ASF testing na isinagawa ng DA Bicol Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) nitong ika-27 ng Agosto.

Patuloy ang isinasagawang surveillance at monitoring sa mga nasabing barangay. Hinihikayat din ang mga nag-aalaga ng baboy na magpatupad ng istriktong biosecurity measures, paglilinis at pag-disimpekta ng mga kulungan ng baboy. Inabisuhan na din ang mga naturang LGU na magpatupad ng border control at restriction ng hog movement.

Nitong Lunes ay nagpulong na ang DA Bicol Regional Quick Response Team (RQRT) sa pangunguna ni DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla at RTD Lorenzo L. Alvina. Dumalo naman sa pagpulong ng joint Provincial DRRM Council at LGUs ng Camarines Sur si Dr. Marissa Guillermo, RQRT Regional Coordinator. (Lovella P. Guarin)