SORSOGON CITY, SORSOGON – Mas palalakasin ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pangunguna ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-National Seaweed Technology Development Center (NSTDC) ang pagpapaunlad sa industriya ng paggugulaman, hindi lamang sa Bicol kundi sa buong bansa.
Ito ang tiniyak ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa kanyang pagbisita sa proyektong Seaweed Reactor-integrated Innovation for Scalable Expansion (SeaweedRISE) ng NSTDC sa Brgy. Cabid-An, lungsod ng Sorsogon noong ika-20 ng Hulyo 2026.
Ayon sa Kalihim, ito ang kauna-unahang pasilidad para sa seaweeds sa buong bansa at, sa katunayan, maging sa buong Asya.
โThe country and the PBBM administration are investing heavily on the seaweed industry dahil ito ay malaking export ng ating bansa,โ ani Laurel.
Dagdag pa ni Sec. Tiu Laurel, malaking tulong ang mga pasilidad sa mga magsasaka ng seaweeds dahil bukod sa pagpapahusay ng pananaliksik at pagbuo ng mga makabagong uri at mga produkto mula sa seaweeds, isusulong din ng proyekto ang pagpapataas ng produksyon ng de-kalidad na planting materials.
Ang SeaweedRISE ay isang proyektong gumagamit ng seaweed bioreactors (SBRs) upang makalikha ng de-kalidad at mas mainam na eucheumatoid propagules na makakatulong sa pagpapalago ng industriya ng paggugulaman. Bahagi ng proyekto ang isang SBR na may kapasidad na 1,250 litro na sinimulang gamitin noong Marso 2026 habang nadagdag naman ang dalawang modular bioreactor na may kapasidad na 16 litro noong Abril 2026.
Ayon kay BFAR-NSTDC Chief Aquaculturist Ida T. Capacio, libreng ipamamahagi ng DA-NSTDC sa mga magsasaka ng seaweeds sa buong bansa ang mga de-kalidad na seaweed propagules mula sa mga bioreactors, kasabay ng pagsasanay sa wastong pagtatanim at pangangalaga ng mga ito.
Nagpaabot din siya ng kanyang pasasalamat sa DA at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanilang tuloy-tuloy na suporta sa industriya ng paggugulaman.
Kasama ng Kalihim sa pagbisita at pag-inspeksyon sa mga pasilidad sina BFAR National Director Elizer Salilig, BFAR Regional Director Ariel Pioquinto, DA Bicol Regional Executive Director Rodel Tornilla, at iba pang mga opisyal at tauhan ng mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan. Kabilang sa kanilang sinuri ang Seaweed Bioreactor Facility, Seaweed Culture Laboratory, at Seaweed Product Display and Marketing Hub, na inaasahang magpapalakas sa industriya ng seaweed bilang bahagi ng adhikain ng ahensya na isulong ang pangmatagalang seguridad sa pagkain at paunlarin ang kabuhayan ng mga komunidad sa baybayin.
Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5, batay sa mga impormasyon mula sa DA RFO 5 ORTDO at DA BFAR Mga kuhang larawan nina: Annielyn L. Baleza at Eduardo D. Collantes Jr., DA RAFIS 5
