Tiniyak ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol ang kalidad, tibay, at pagsunod sa itinakdang pamantayan ng mga proyektong pang-imprastruktura ng ahensya sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga akreditadong Constructorsโ€™ Performance Evaluation System (CPES) evaluators.

Ang CPES ay isang sistema na ginagamit ng DA upang suriin at bigyan ng kaukulang marka ang mga kontratista na nagpapatupad ng mga proyekto ng ahensya. Isinasagawa ito ng dalawang beses sa isang taon.

Pinangunahan ni Engr. Joshua Villanueva ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) CPES Implementing Unit katuwang ang mga CPES evaluators mula sa DA Eastern Visayas ang CPES sa Bicol noong Hunyo 15 hanggang 19 at Setyembre 7 hanggang 9 ngayong taon. Sa ikalawa nilang pagbisita, kabilang sa mga proyektong kanilang sinuri ang Perimeter Fence sa Albay Research and Development Center (ARDC)-Albay Experiment Station (AES) sa Brgy. Buang, Lungsod ng Tabaco, Albay; Warehouse ng Livestock Program sa Central Bicol Experiment Station (CBES) sa Brgy. San Agustin, Pili, Camarines Sur; at ang Construction of Baliuag Nuevo Diversion Dam sa Minalabac, Camarines Sur.

Samantala, sa kanyang mensahe sa CPES in Bicol Region Exit Conference na ginanap ngayong araw, binigyang-diin ni DA Bicol Regional Agricultural Engineering Division (RAED) Chief Engr. Jerry Ebona na mahalaga ang CPES upang matiyak na magagamit at mapapakinabangan nang maayos at pangmatagalan ng mga benepisyaryo ang mga proyekto ng pamahalaan.

Aniya, โ€œBalewala ang ating ginagawa kung ang ating mga projects ay below the standards.โ€

Ang mga pamantayan sa pagsusuri ng CPES ay kinabibilangan ng pagkakagawa ng proyekto, paggawa at mga materyales, oras ng pagkumpleto, mga pasilidad, kaligtasan, kalusugan at pangangalaga sa kapaligiran, at wastong paglalagay at paglalaan at wastong paggamit ng mga kinakailangang kagamitan at tauhan sa konstruksyon.

Nakatakdang magsumite ang mga kinauukulang kontratista ng Corrective Action Plan at Preventive Action Plan bilang tugon sa resulta ng CPES.

Ulat ni: Annielyn L. Baleza

Mga kuhang larawan ni: Ramon C. Adversario Jr.