SAN AGUSTIN, PILI, CAM. SUR- Sumailalim sa Operations and Maintenance (O&M) Training ng Modular Cold Storage Facilities ang mga benepisyaryo ng siyam na solar-powered at wind-powered modular cold storage facilities na ipinatayo ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Bicol Regional Agricultural Engineering Division (RAED) Chief Engr. Jerry Eboña, layunin ng pagsasanay na maturuan ang mga benepisyaryo ng wastong paggamit at pangangalaga sa pasilidad upang mapanatili ang maayos na kondisyon nito at mapahaba ang panahon ng paggamit ng proyekto.

Aniya, ang mga modular cold storage facilities ang kauna-unahang solar-powered at wind-powered modular cold storage facilities na naipatayo ng ahensya sa buong Pilipinas.

Limang yunit ng solar-powered and wind modular cold storage facility with battery generator ang ipamamahagi sa mga lokal na pamahalaan ng San Jose, Lagonoy, Tigaon, at Libmanan, Camarines Sur at pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte.

Apat naman na yunit ang ilalaan sa San Lorenzo Ruiz Agriculture Cooperative, Pilinio Federation of High Value Crops Growers Inc. sa Pili, Camarines Sur, pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes, at lokal na pamahalaan ng Daraga, Albay.

Bawat yunit ay nagkakahalaga ng mahigit P10 milyon at may kapasidad na mag-imbak ng hanggang walong toneladang produktong pang-agrikultura, kabilang ang mga gulay, prutas, produktong gatas, at itlog. Binubuo ang pasilidad ng 30 solar panels na may power rating na 700 hanggang 21,000 watts, wind turbine, solar panels na gumagamit ng lithium iron battery na may kapasidad na 14.54 kilowatt-hour, 20 kilowatt diesel generator, evaporator unit, condensing unit, compressor unit, at control cabinet. Kinokontrol nito ang temperatura sa loob ng pasilidad sa pagitan ng 1 hanggang 10°C upang mapanatili ang kalidad at mapahaba ang shelf life ng mga nakaimbak na produkto.

Tinalakay sa O&M training ang operating procedure at pagkalkula ng cooling system at electrical load, solar panel system, at wind turbine.

Nagsagawa rin ng on-site demonstration ang supplier kung paano gagamitin at patatakbuhin ang pasilidad sa Solar-Powered and Wind Modular Cold Storage Facility ng Pilinio Federation of High Value Crops Growers Inc. sa Brgy. Curry, Pili, Camarines Sur.

Pormal na ipagkakaloob ng mga pasilidad sa mga natukoy na benepisyaryo simula Setyembre 2026. Nakatakda namang isagawa ang kaparehong pagsasanay sa Catanduanes sa Oktubre 6, 2026 habang gaganapin sa Setyembre 15, 2026 ang site visit at pagbuo ng site layout para sa solar-powered at wind-powered modular cold storage facility ng bayan ng Daraga, Albay.

Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5, batay sa impormasyon mula kay Engr. Ivan Mendiola Esplana.

Mga kuhang larawan nina: Annielyn L. Baleza at Angela Mae P. Lafuente, DA RAFIS 5