โDakulaon na tabang po samuya, most especially natawan kaming rights para saro sa mga pwedeng mag-monitor kan mga proyekto kan gobyerno na pigbaba samuyaโ
Ito ang naging pahayag ni Dan Mark Ordan, Barangay Kagawad ng Brgy. Bololo, Guinobatan, Albay, matapos dumalo sa isinagawang Citizen Monitoring Tool (CMT) Training para sa proyektong Construction of Segment A (Agpay to Bololo) and Segment B (Bololo to Batbat) Farm-to-Market Road na pinondohan ng Department of Agriculture โ Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-Up at ng World Bank.
Pinangunahan ng Monitoring and Evaluation Learning Unit (MEL) ng DA-PRDP Regional Project Coordination Office (RPCO) Bicol ang naturang pagsasanay na nilahukan ng mga opisyal ng barangay at mga benepisyaryo ng proyekto mula sa mga apektadong komunidad.
Sa pagsasanay, tinalakay ang konsepto at kahalagahan ng Citizen Monitoring Tool, ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga citizen monitors, gayundin ang wastong paggamit ng mga monitoring forms, geo-tagging, dokumentasyon, at iba pang reporting mechanisms para sa epektibong pag-uulat ng mga obserbasyon mula sa komunidad.
Bumuo rin ang bawat benepisyaryong barangay ng kani-kanilang Barangay Implementation Team (BIT) na magsisilbing pangunahing katuwang ng DA-PRDP sa pagsubaybay sa implementasyon ng proyekto. Ang BIT ay inaasahang magsasagawa ng regular na monitoring, magdodokumento ng aktuwal na progreso ng proyekto, mag-uulat ng anumang isyu o obserbasyon, at magsusulong ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng komunidad, lokal na pamahalaan, at ng DA-PRDP upang matiyak ang maayos at transparent na pagpapatupad ng proyekto.
Pumirma rin ang mga kalahok sa isang commitment board bilang simbolo ng kanilang pangako na aktibong makikilahok sa pagsubaybay at pagtataguyod ng transparency at accountability sa implementasyon ng proyekto. Sa pamamagitan ng kanilang lagda, ipinahayag ng mga miyembro ng Barangay Implementation Team (BIT), mga opisyal ng barangay, at mga benepisyaryo ang kanilang kahandaang gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang citizen monitors.
Bilang bahagi ng aktuwal na pagsasanay, nagsagawa rin ng onsite monitoring ang mga kalahok sa mismong proyekto upang maisabuhay ang kanilang mga natutunan.
Sa pamamagitan ng Citizen Monitoring Tool, binibigyang kapangyarihan ang mga mamamayan na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kalidad at integridad ng mga proyektong pangkaunlaran. Higit pa rito, nagiging daan ito upang matiyak na ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaan ay naipatutupad nang naaayon sa plano at itinakdang pamantayan.
Patuloy na isinusulong ng DA-PRDP ang mga makabagong mekanismo sa monitoring tulad ng Citizen Monitoring Tool bilang bahagi ng pagpapalakas ng transparency, accountability, at aktibong pakikilahok ng mga benepisyaryo sa pagpapatupad ng mga proyektong inilaan para sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at ng mga pamayanang rural. (Shaira Enimedez, PRDP Bicol InfoACE Unit)
