Upang higit na maipalaganap ang System of Rice Intensification (SRI) bilang isa sa mga estratehiya sa pagpapataas ng produksyon ng palay sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program, nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol katuwang ang pangkat ng SRI International at Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) ng RICE TALK: International SRI Learning Session noong ika-19 ng Agosto ngayong taon.

Dinaluhan ito ng mga magsasaka at kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Balatan, Ocampo, Pili, at lungsod ng Iriga gayundin ng mga tauhan ng Programa sa Palay ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol, pangkat ng SRI International, Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at CBSUA.

Tampok sa aktibidad ang pagbabahagi ng pangkat ng SRI International ng mga kaalaman, karanasan, at kuro-kuro hinggil sa pagpapatupad ng SRI sa ibaโ€™t ibang panig ng mundo. Partikular na tinalakay nina Lucy Fisher, Director of Communications ng SRI International Network and Resources Center sa Cornell University sa New York, Estados Unidos, at Dr. Febri Doni, propesor sa Universitas Padjadjaran sa West Java, Indonesia, ang pagkakaiba sa resulta ng mga sakahang gumagamit ng SRI kumpara sa tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka.

Inilahad din nila ang mga kasalukuyang pananaliksik, programa, at proyekto kaugnay ng SRI, gayundin ang kanilang kampanya na gawing pangunahing pamamaraan ng pagsasaka ang SRI sa Timog-Silangang Asya.

Dagdag pa nila, napatunayan na ang mga benepisyo ng SRI sa 65 bansa sa buong mundo, kung saan tinatayang 30 milyong magsasaka na ang gumagamit nito.

Bilang pinuno ng proyekto sa pagpapalaganap ng SRI sa Bicol, ibinahagi ni Dr. Carmelita Cervantes ng Carmelโ€™s Agri-Learning Farm Inc. ang kalagayan ng kanyang pagpapatupad ng nasabing teknolohiya. Isa ang Carmelโ€™s Agri-Learning Farm Inc. sa tatlong civil society organizations (CSOs) na katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol sa pagsulong at pagpapalawak ng teknolohiyang SRI.

Nagpasalamat naman si DA Bicol Field Operations Division OIC Chief Earl Vincent Vegas sa mga kinatawan ng SRI International sa pagbahagi ng mahahalagang impormasyon na aniyaโ€™y makatutulong upang mas marami pang magsasaka ng palay sa rehiyon ang mahimok na yakapin ang teknolohiya ng SRI.

Aniya, “This is a welcome development as this technology as initially reported by a monitoring and evaluation team from PhilRice. They were able to see, they were able to determine that there is this substantial increase in productivity with the SRI.โ€

Ang SRI ay isang pamamaraan ng pagsasaka na naglalayong mapataas ang ani ng palay gamit ang kaunting kagamitan at likas na yaman habang binabawasan ang epekto sa kapaligiran. Sinimulan itong ipatupad sa Bicol sa pamamagitan ng Scaling of Rice Technologies, na pinangungunahan ni Engr. Gina Nuรฑez, noong 2024.

Ulat at mga kuhang larawan ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5