Mahigit sa 150 organic agriculture practitioners, mga lider at exhibitors mula sa mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs), LGUs kasama ang mga focal person ng Organic Agriculture program at mga mag-aaral ang nakilahok sa selebrasyon ng ika-11 Organic Agriculture Month nitong ika-28 ng Nobyembre sa Bicol University Guinobatan, Albay.
Nagbigay kulay sa selebrasyon ang isinagawang fun run at cookfest na nilahukan ng mga mag-aaral ng Bicol University. Tinalakay naman sa OA Talks ang mga paksang: Research in OA: Development of Organic Production Technologies for Queen Pineapple; Youth in OA: Cultivating the Next Generation of Agri-Leaders; Women in OA: Empowering Women in Organic Agriculture; at Policy in OA: Strengthening Organic Agriculture through Policy and Governance.
“Let us keep growing an organic agriculture sector that is practical, inclusive, and responsive to the needs of our communities.” Ito ang naging pangunahing mensahe ni Dr. Maria Christina F. Campita, Regional Organic Agriculture Focal Person at Chief ng Research Division ng DA Bicol.
Samantala, iginawad naman ng Agricultural Training Institute (ATI) sa pangunguna ni Center Director Dr. Joey Belarmino ang apat na tseke na nagkakahalagang P150,000 bilang start up capital sa apat na kabataang kabilang sa Youth Internship Program for Organic Agriculture.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture Bicol (DA Bicol) Organic Agriculture (OA) Program, Agricultural Training Institute (ATI), BAFRREDN, Bicol University Guinobatan, Philippine Association of Agriculturists, Inc. (PAA), at LGU Guinobatan, naging makabuluhan ang nasabing selebrasyon na may temang “Kabuhayang OA, Kinabukasang OA: Halina at Kumita sa Organikong Agrikultura,” at nakasentro sa dalawang layunin: itaas ang kamalayan ng publiko partikular na ng mga magsasaka tungkol sa organikong agrikultura, at maging plataporma ang pagdiriwang para sa mas matibay na ugnayan ng mga Farmers Cooperative and Associations, SUCs, LGUs, at iba pang OA practitioners sa pagtugma ng programa base sa aktuwal na pangangailangan ng komunidad.
Sa pagdiriwang, ipinunto ng DA Bicol na ang organikong agrikultura ay isang praktikal at pangmatagalang solusyon sa ilang napapanahong isyu kabilang na ang soil degradation, mataas na production cost, problema sa kalusugan, at climate-related risks.
Ayon kay Dr. Campita, prayoridad ng programa na mas palakasin ang mga pagsasanay sa pakikipagtulungan ng ATI; pagbutihin ang certification; at makamit ang 500 ektaryang certified OA farms sa rehiyon sa pagsapit ng taong 2030. Ayon pa sa kanya, sa kasalukuyan ay mayroon nang 232.35 ektaryang sakahan sa Bicol ang certified organic.
Kabilang din sa direksyon nito ang pagpapalawak ng market linkages; pagbibigay ng research-based guidance sa ilang Bicol commodities tulad ng queen pineapple at pili; at pagpapalakas ng kolaborasyon ng mga ahensya, LGUs, maging ng mga institusyon sa pagpapanatili ng programa.
Ulat ni: Emie Jane B. Malonzo Kuhang larawan ni: Zandra Abogado
