JUBAN, SORSOGON-Mahigit 200 magsasaka ang lumahok sa isinagawang Palayaman System Technology Demonstration Field Day ng Department of Agriculture (DA) Bicol Rice Program katuwang ang LGU Juban nitong ika-26 ng Marso, 2026 sa Sitio Tampi, Barangay Binanuahan sa bayang ito.
Namangha ang mga magsasakang dumalo sa isang ektaryang Palayamanan Techno Demo Site ng Binanuahan Tampi Irrigators Association dahil sa mga nakita nila. Kabilang sa mga nasaksihan nila ang rice production area, crop production area na may iba’t ibang tanim na gulay, biomass recovery area, at livestock and poultry production area na may mga inaalagaang itik at kambing, kasabay ng pagkatuto nila ng mga bagong teknolohiya at kaalaman.
Ang Palayaman System ay isang pamamaraan ng pagsasaka kung saan pinagsama-sama ang produksyon ng palay, gulay, prutas, hayop at organikong pataba. Makatutulong ito sa mga magsasaka na matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain, nakapagbibigay ng karagdagang kabuhayan at nagkakaroon ng mas produktibong sakahan.
Taong 2024 ng simulan ng Rice Program ang implementasyon ng proyekto sa Bicol. Sa kasalukuyan, mayroon ng siyam (9) na Palayaman System Technology Demonstration Site sa Rehiyon (Masbate-1, Sorsogon-2, Catanduanes-1, Camarines Sur-4 at Camarines Norte-1). (Panulat at Kuhang larawan ni Zandra Abogado)
