Legazpi City, Albay – Matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture–Regional Field Office V (DA-RFO V), katuwang ang Bureau of Animal Industry (BAI) at Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO), ang Local Animal Disease Detection and Emergency Response (LADDER) Training noong Hulyo 20–23, 2026 sa Legazpi City.

Ang pagsasanay ay bahagi ng Resilient Philippines Project ng Pandemic Fund na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga lokal na beterinaryo at animal health professionals sa maagap na pagtukoy at pagtugon sa mga sakit ng hayop.

Dinaluhan ang apat na araw na pagsasanay ng mga beterinaryo, agricultural extension workers, at mga livestock program implementers mula sa anim na lalawigan ng Rehiyong Bicol, kasama ang mga kinatawan ng Bicol University at Central Bicol State University of Agriculture.

Binigyang-diin ni BAI Director Dr. Christian Daquigan ang kahalagahan ng maagap na disease detection, mahusay na koordinasyon, at mabilis na pag-uulat upang maprotektahan ang sektor ng paghahayupan at mapanatili ang seguridad sa pagkain. Samantala, sinabi ni Dr. Michelle Balbin ng FAO ECTAD Philippines na ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na animal health professionals ay mahalaga sa pagbuo ng isang matatag at handang animal health system.

Sumailalim din ang mga kalahok sa isang masinsinang sesyon tungkol sa Risk Analysis na ibinahagi ni Dr. Aleli Marasigan, FAO Technical Specialist , kung saan ipinakilala sa kanila ang mga konsepto ng hazard identification, risk assessment, risk management, at risk communication. Sa pamamagitan ng mga praktikal na workshop at group activity, sinuri ng mga kalahok ang mga posibleng daan ng pagpasok at pagkalat ng transboundary animal diseases (TADs) sa loob ng kani-kanilang probinsya. Tinukoy nila ang mga lokal na kahinaan kaugnay ng paggalaw ng hayop, farm biosecurity, border control, at livestock production system, at bumuo ng mga rekomendasyong nakabatay sa siyensya upang mabawasan ang panganib ng pagkalat ng sakit.

Nagbahagi rin ng kanilang mga karanasan sa pagtugon sa mga kaso ng African Swine Fever (ASF) si Dr. Ronaldo Diezmo , Provincial Veterinarian ng Camarines Norte at Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) si Dr. Ramon Hugo Baniel ng Sipocot , Camarines Sur, na nagbigay ng mahahalagang aral at pinakamahusay na mga kasanayan sa disease surveillance at emergency response.

Bilang karagdagan sa mga lektura, nagsagawa rin ng mga hands-on practical exercises sa ilalim ng gabay ng mga eksperto mula sa DA-RFO 5 RADDL, BAI, FAO, at CBSUA. Kabilang dito ang blood collection at necropsy procedures sa kambing at poultry, gayundin ang tamang pamamaraan ng sample collection, packaging, preservation, labeling, at transportasyon ng mga specimen para sa laboratory examination. Tinuruan din ang mga kalahok sa wastong pagsagot ng laboratory request forms habang mahigpit na sinusunod ang biosafety protocols at tamang paggamit ng personal protective equipment (PPE) sa pagsagawa ng field investigation.

Sa pagtatapos ng programa, inaasahang maibabahagi ng mga kalahok ang kanilang natutunan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan upang higit pang mapalakas ang disease surveillance, biosecurity, at kahandaan laban sa mga sakit ng hayop sa buong Rehiyong Bicol.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng DA-RFO V, BAI, FAO, at iba pang katuwang na institusyon, patuloy na isinusulong ang isang mas matatag, na animal health system na magpoprotekta sa kalusugan ng mga hayop, kabuhayan ng mga mag-aalaga ng hayop, at seguridad sa pagkain ng bansa. (Sinulat ni Dr. Rona P. Bernales, Veterinarian IV -DA RFO 5)