PAMPLONA, CAMARINES SUR – Nanatiling matatag na katuwang ng mga magsasaka ang CVT Agri Resilient Farmers Organization sa gitna ng tumataas na presyo ng krudo at krisis sa ekonomiya. Sa halip na magtaas ng singil, pinanatili ng asosasyon ang abot-kayang bayad sa pag renta sa kanilang mechanical harvester para sa palay para sa mga magsasaka ng palay sa Brgy. Cagbunga at mga karatig-lugar.
Upang mas mapagaan ang pasanin, ipinapatupad nila ang sistemang “in-kind” payment: sa bawat 10 sako ng palay na maani, isang sako lamang ang nagsisilbing bayad sa serbisyo. Ayon sa Presidente na si Monina S. De Belen, layunin nilang matiyak na walang aning masasayang dahil lamang sa mahal na diesel.
Taong 2020 nang mai- turn over o naipagkaloob sa association mula sa Philippine Center for Post Harvest Development and Mechanization (PhilMech) ang nasabing harvester. Dahil dito hindi na inaabot ng tubig baha ang mga aanihin dahil sa mas pinabilis na pag-aani. Dati din nabubulok ang mga dapat sanang aanihing palay dahil sa mga pagbaha.
Pinatunayan ng organisasyong ito na sa pamamagitan ng pagtutulungan at malasakit, kayang lampasan ng lokal na agrikultura ang anumang pandaigdigang hamon.
