Epektibong pagpapatupad at mabisang pamamalakad ang ilan sa mga salik ng maayos na implementasyon ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Bicol.

Upang mas mahasa ang mga kawani ng programa para sa katuparan ng layuning ito, sumailalim ang SAAD Bicol regional at provincial implementers sa Basic Agriculture Extension Course (BAEC) na pinangunahan ng Agricultural Training Institute Bicol nitong Setyembre 21-25, 2026 sa Magarao, Camarines Sur.

Layunin ng BAEC na palakasin ang kasanayan ng mga kalahok sa larangan ng agricultural extension na siyang pundasyon ng mga aktibidad sa ilalim ng SAAD Program. Nahahati ang aktibidad sa limang modyul: Personal Awareness and Self-Mastery; Basics of Agricultural and Fisheries Extension; Approaches to Action; Communication in Extension, at Work Community.

Bukod sa teknikal na kaalaman, idinisenyo rin ang BAEC upang pagbutihin ang mga kasanayang interpersonal tulad ng personal na pag-unawa, pakikipag-ugnayan at mabisang komunikasyon. Ang mga diskursong ito ang magiging gabay ng SAAD Program sa isasagawang immersion activity kasama ang ilang mga magsasaka sa Camarines Sur.

Parte lamang ang mga nabanggit na modyul sa Phase 1 kung saan nakatuon ang mga kalahok sa batayang konsepto ng agricultural extension. Ipagpapatuloy ang Phase 2 nito sa mga susunod na buwan. Magtatapos ang BAEC Phase 1 sa Setyembre 25, 2026, kasunod ng serye ng mga aktibidad at talakayan na naglalayong pagsamahin ang kaalaman at aktuwal na karanasan. Inaasahang pagtitibayin ng aktibidad ang kakayahan ng mga SAAD staff sa pagpapatupad ng mga aktibidad at pakikipag-ugnayan sa mga benepisyaryo at mga katuwang nitong sektor.