Iginawad ng Department of Agricultureโ€“Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-Up ang No Objection Letter (NOL) 1 sa panukalang I-REAP subproject na SEDP MPC People-Centered Innovation and Livelihood Integration (PILI) Hub na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P55 milyon.

Personal na iginawad ni PRDP Bicol Project Director Rodel P. Tornilla kay Remegia Balucio, Managing Director ng Socio-Economic Development Program Multi-Purpose Cooperative (SEDP MPC) ang No Objection Letter (NOL) 1 ngayong ika-1 ng Hunyo 2026. Naroon rin sa pagpupulong si PRDP Bicol Deputy Project Director Dr. Mary Grace DP. Rodriguez, at si PRDP Bicol I-REAP Component Head Patrocinio Collao I.

Ang proyekto ay naglalayong magtatag ng isang makabagong sentro para sa pagpoproseso at pagpapalawak ng merkado ng mga produktong pili sa rehiyon.

Ang paggawad ng NOL 1 ay nagsisilbing opisyal na pag-apruba ng World Bank sa mga pangunahing dokumento ng subproject, na nagbibigay-daan upang magpatuloy ito sa susunod na mga proseso ng pagpapatupad sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.

Sa oras na maisakatuparan, ang PILI Hub ay magpoproseso at mag-aalok ng iba’t ibang de-kalidad na produkto mula sa pili kabilang ang pili kernel, pili pulp oil, dehydrated skinless pili, roasted pili nuts, at pili shell products. Inaasahang magbibigay ito ng mas mataas na halaga sa mga produktong agrikultural ng rehiyon habang lumilikha ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga magsasaka, kooperatiba, at iba pang kalahok sa value chain ng pili.

Ang subproject na ito ang ikalawang aprubadong I-REAP subproject sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up sa Rehiyon ng Bicol, patunay ng patuloy na pagsulong ng mga inisyatiba para sa pagpapalakas ng agribusiness at pagpapataas ng kita ng mga rural na komunidad sa rehiyon.

Ang pagpapaunlad ng industriya ng pili ay may malaking potensyal na mag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng Bicol, lalo na’t kinikilala ang rehiyon bilang pangunahing sentro ng produksyon ng pili sa bansa. Sa pamamagitan ng proyekto, mabibigyan ng mas mahusay na pasilidad, teknolohiya, at akses sa merkado ang mga producer at processors ng pili. (Shaira Enimedez, PRDP Bicol InfoACE)