LABO, CAMARINES NORTE-Bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta ng Department of Agriculture (DA) sa pagpapaunlad ng mga kabataang agripreneur, pormal na pinasinayaan ang Young Farmers Technology Incubation Center nitong ika-22 ng Hulyo, 2026 sa bayang ito.
Ang nasabing pasilidad na nagkakahalaga ng ₱1.5 milyon ay pinondohan sa ilalim ng Business Development Assistance (BDA), isang component ng DA Young Farmers Challenge (YFC) Program na ipinatutupad ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).
May kabuuang sukat na 120 square meters, ito ang kauna-unahang incubation center sa Camarines Norte at ika-apat sa Bicol. Ang Lokal na Pamahalaan ng Labo naman ang naglaan ng lupang kinatatayuan nito at ng mga kinakailangang kagamitan bilang counterpart sa proyekto.
Sa mensahe ni Engr. Anne Glyn F. Lisbo, Chief ng DA Agribusiness Investment Promotion Division, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pasilidad na hindi lamang magsisilbing imprastraktura, kundi isang pangmatagalang mekanismo ng suporta. Aniya, sa pamamagitan nito, inaasahang magiging mas matatag at mas mapapanatili ang mga negosyong naitatag sa ilalim ng YFC Program.
Samantala, sa kanyang pahayag, hinikayat ni Engr. Luisito R. Baltazar, OIC-Chief ng DA Bicol AMAD na kumatawan kay Regional Executive Director Rodel P. Tornilla ang mga benepisyaryo na gamitin ang incubation center sa paggawa ng kanilang produkto na pwede sa international market.
Para naman kay YFC Program Regional Awardee Robert James Manansala, may ari ng RJM Ornamental Fish Culture mula sa Daet, Camarines Norte, isang napakagandang inisyatiba ang pagtutulungan ng DA YFC at Lokal na Pamahalaan upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng nasabing pasilidad sa kanilang lalawigan. Aniya, ito ay angkop na lugar para pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa agribusiness.
Naroon din sa okasyon ang mga kinatawan mula sa mga ahensyang katuwang ng DA, ang Agricultural Training Institute, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Department of Trade and Industry.
(Ulat at kuhang larawan ni: Zandra G. Abogado)
