PARACALE, CAMARINES NORTE — Tatlong daan (300) na patabain na biik o baboy ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) Bicol Livestock Program sa PCN-Labnig Farmers Association sa Brgy. Labnig, sa bayang ito sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Project.
Ang buong INSPIRE project ay may kabuuang pondong ₱10 milyon kung saan ang ₱6 milyon ay inilaan para sa swine housing infrastructure at ₱4 milyon para sa piglets, feeds, at biologics.
Sa pagkakaroon ng pasilidad at mga alagang baboy, nabigyan ang AMIA beneficiaries ng dagdag na puhunan upang mapalawak ang kanilang swine enterprise at makalikha ng karagdagang pagkakakitaan para sa mga kasapi.
“Maayos naming aalagaan, palalaguin, at pauunlarin ang 300 biik upang hindi lamang maging panandaliang tulong ang proyekto, kundi maging sustenableng kabuhayan na patuloy na makapagbibigay ng benepisyo sa aming mga kasapi sa mga susunod na panahon,” ani Jhosie Lamadrid, Secretary ng PCN-Labnig Farmers Association.
Todo suporta naman ang Municipal Agriculture Office ng Paracale sa pangunguna ni MA Crisanto Arandia sa mga magsasaka sa lugar lalo na sa pagsisiguro na pink zone ang Paracale o walang African Swine Fever o ASF virus sa komunidad.
Sa pagpapatuloy ng kanilang swine enterprise, inaasahang makatutulong ang suporta sa pagpapalakas ng produksyon at paglikha ng dagdag na kita para sa mga benepisyaryo. Bahagi ito ng layunin ng AMIA katuwang ang Livestock Program na palawakin ang livelihood opportunities at suportahan ang mga farming communities tungo sa mas matatag at climate-resilient na kabuhayan.
