Isang linggo makalipas ang paghagupit ng bagyong Uwan sa bansa, ay muli na namang binisita ni Pangulong Bongbong Marcos at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang Bicol, sa bayan ng Tiwi, Albay kung saan pinulong niya ang mga pinuno ng mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla, umabot na sa P3.70 Bilyon ang inisyal na datos ng pinsala sa agrikultura sa anim na probinsya ng Bicol. Nagtamo ng pinaka malaking pinsala ang probinsya ng Camarines Sur na umabot sa P1,584,677,978.23; sinundan ito ng Catanduanes na may pinsalang nagkakahalagang P1,025,125,370.92.

Niyog ang may pinakamalaking pinsala kung saan 128,761 ektarya ng niyugan na pagmamay-ari ng 125,679 na mga magsasaka ng niyog ang apektado. Mahigit sa 3,398 ektarya dito ang lubos na napinsala. Umabot sa P1,184,377,531.14 ang halaga ng pinsala.

Pumangalawa naman ang abaca kung saan 54,205 ektarya ang napinsala na pagmamay-ari ng 23,807 abacaleros. Ang pinsala ay nagkakahalaga ng P1,030,941,470.80.

Samantala, mayroong nakahandang interbensyon at buffer stocks ang DA Bicol na aabot sa P1,247,070,572.00. Kasama dito ang mga binhi, abono, vegetable seeds, garden tools, at mga hauling trucks. Mayroon namang P25 M na pondong inilaan ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) sa ilalim ng SURE Loan program kung saan pwedeng maka-utang ng P25,000 ang bawat apektadong magsasaka. Ang Phil. Crops Insurance Corporation naman ay may nakalaang P7.1 M insurance indemnification para sa mga nasalanta ng bagyo sa buong rehiyon.

Ang National Food Authority naman ay nagsimula nang magbenta ng P20 bigas na aabot sa P19.5M na mabibili sa mga NFA provincial offices at accredited Farmers’ Cooperatives & Association (FCA) outlets sa Bicol. (Lovella P. Guarin)