San Agustin, Pili, Camarines Sur – Matagumpay na nagtapos ang kalahok ng Training of Trainers para sa Agricultural Crops Production NC II at Organic Agriculture NC II, isang programang magkatuwang na isinagawa ng Department of Agriculture Regional Field Office 5 (DA RFO 5) at TESDA Regional Training Center V (RTC V) noong Hulyo 24, 2026.

Sa loob ng mahigit isang buwang pagsasanay, pinalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa mga competency ng Agricultural Crops Production NC II at Organic Agriculture NC II, kabilang ang nursery operations, crop production and maintenance, harvest and postharvest operations, paggawa ng organic inputs, at produksyon ng organic crops. Ang mga kasanayang ito ay magsisilbing matibay na pundasyon upang maging epektibong trainers at technology disseminators sa kani-kanilang mga Research Outreach Stations at mga lalawigan sa Bicol Region.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Maria Christina F. Campita, Chief ng Research Division, na ang pagkakaroon ng mga TESDA-certified trainers ay magpapalawak sa paghahatid ng sustainable at angkop na teknolohiya sa mga magsasaka. Inaasahan din niyang ang nalalapit na DA-DOLE-TESDA TUPAD MOA ay magbubukas ng mas maraming training batches na hindi lamang para sa mga kawani ng DA-TUPAD beneficiaries, kundi maging sa mga magsasaka at kooperatiba, habang nakahanda ang DA RFO 5 na mag pagamit ng mga pasilidad bilang bahagi ng kolaborasyon.

Samantala, ipinahayag ni Raquel A. Mien, Acting Center Chief ng TESDA RTC V, ang buong suporta ng TESDA sa patuloy na pakikipagtulungan sa DA RFO 5. Aniya, ang magiging MOA signing ay simula pa lamang ng mas marami pang programang magkatuwang na ipatutupad upang higit pang mapaunlad ang kasanayan ng mga agricultural trainers at mapalawak ang access ng mga Bicolanong magsasaka sa de-kalidad na technical-vocational education. Ibinahagi rin niya na bukas ang TESDA sa pagpapalawak ng kolaborasyon sa Agricultural Machinery NC II, kabilang ang pagsasagawa ng mga kaugnay na pagsasanay at skills development programs, upang higit pang mapahusay ang kakayahan ng mga trainers, kawani ng DA, at iba pang stakeholder sa paggamit, pagpapatakbo, at wastong pangangalaga ng mga makabagong makinaryang pang-agrikultura.

Ang pagtatapos ng Training of Trainers ay isang mahalagang hakbang sa paghahanda ng DA RFO 5, sa pangunguna ng Organic Agriculture Program at Research Division, upang maging TESDA-accredited learning site. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas maraming kawani, magsasaka, kooperatiba, at iba pang stakeholders sa rehiyon ang magkakaroon ng access sa libreng competency-based training at National Certification, na magpapalakas sa human resource development ng sektor ng agrikultura at susuporta sa layunin ng DA RFO 5 na makapaghatid ng mas de-kalidad na extension at research services.

(Ulat ni Jomarie B. Lozada & Kuhang Larawan ni Cyril Baldoza at Ivan Geraldo)