PILI, CAMARINES SUR – Matagumpay na nagtapos ang 30 kabataang interns na kabilang sa Summer Youth Internship Program (SYIP) 2026 ng Department of Agriculture Bicol (DA Bicol) sa isinagawang Graduation Ceremony nitong ika-15 ng Hulyo.
Sa loob ng 45 araw na nagsimula noong ika-29 ng Abril, naitalaga ang mga interns sa iba’t ibang opisina ng DA Bicol kung saan sila nabigyan ng pagkakataong makibahagi sa mga gawain at operasyon ng ahensya bilang bahagi ng kanilang pagsasanay sa serbisyo publiko at paglinang ng kanilang mga kasanayan sa trabaho.
Ang mga nagtapos ngayong taon ang bumubuo sa ika-21 batch ng SYIP ng DA Bicol mula nang simulan itong ipatupad bilang taunang programa para sa mga kabataan.
Bilang bahagi ng internship, tatanggap ang bawat kalahok ng allowance batay sa umiiral na daily minimum wage rate sa Bicol na ₱455 kada araw sa loob ng kanilang 45-araw na pagsasanay.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Regional Technical Director for Research and Regulations Lorenzo Alvina ang kahalagahan ng maayos na pagtutulungan sa loob ng organisasyon at mabisang pamumuno bilang mahahalagang salik sa pagiging mahusay at responsableng lingkod-bayan. Ipinaliwanag niya kung paano magiging gabay ang mga katangian sa kanilang mga propesyon at sa anumang landas na kanilang tatahakin.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si SYIP Batch Banyuhay President Mark Nhel Jake A. Boque sa DA Bicol sa pagkakataong ibingay sa kanila upang makalahok sa Summer Youth Internship Program ngayong taon. Ibinahagi rin niya ang mahahalagang karanasan, mga aral, at mga pagpapahalagang kaniyang natutuhan sa loob ng 45 araw na internship sa ahensya.
“Ang Banyuhay [bagong anyo ng buhay] na ating ipinagdiriwang ngayon ay hindi lamang bunga ng ating sariling pagsisikap, kundi bunga rin ng tiwala, paggabay, malasakit, at inspirasyong ibinahagi ng bawat taong naging kasama natin sa paglalakbay na ito.” ani Boque.
Patuloy na isinusulong ng DA Bicol ang Summer Youth Internship Program bilang isa sa mga hakbang ng ahensya upang mabigyan ang mga kabataan ng makabuluhang karanasan sa serbisyo publiko, mapaunlad ang kanilang kakayahan, at mahikayat silang maging bahagi ng pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura. (Ulat ni: Emie Jane Malonzo, DA RAFIS 5)
