9 benepisyaryo, matagumpay na nagtapos sa 90-araw na DA-DOLE TUPAD Collaboration Program sa Albay Breeding Station

Matagumpay na nagtapos nitong Agosto 22, 2025 ang siyam na benepisyaryo ng DA-DOLE TUPAD Collaboration Program matapos ang kanilang 90-araw na serbisyo sa Albay Research and Development Center-Albay Breeding Station (ARDC-ABS). Maliban sa kanilang sweldo, tumanggap din ng mga garden tools, tig isang sako ng pantanim na mais at tig 2 mallard ducks ang mga nagtapos.

Sa loob ng tatlong buwan, hindi lamang paglilinis at pangangalaga sa kapaligiran ang kanilang isinagawa, kundi nakibahagi rin sila sa iba’t ibang pagsasanay na makatutulong sa kanilang personal na pag-unlad at kabuhayan. Kabilang dito ang pag-aalaga at wastong pangangasiwa ng mga alagang hayop, tulad ng baboy at manok, gayundin ang mga praktikal na kaalaman sa gawaing pang-agrikultura.

Ang programa ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang magbigay ng pansamantalang kabuhayan, karagdagang kaalaman, at oportunidad sa mga manggagawang pansamantalang nawalan ng trabaho.

Ayon kay Dr. Salvadora M. Gavino, OIC Head ng ABS, ang pagtatapos ng DA-DOLE TUPAD Collaboration Program ay hindi lamang nagbigay ng pansamantalang kita, kundi naglatag din ng pundasyon para sa mas matatag na kabuhayan ng mga benepisyaryo. Ang mga kasanayang ito ay maaari nilang magamit bilang dagdag na puhunan sa hinaharap, maging sa sariling kabuhayan (Dianne Abejuela – ABS)