SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR –  Nagsanay sa paggamit ng Soil Test Kits ang mga katutubong Agta Tabangnon/Agta Cimaron na benepisyaryo ng 4K program sa 2-araw na training na isinagawa ng

Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program para sa mga benepisyaryo nito.

Katuwang din ang DA – Regional Soils Laboratory na siyang nagturo at nagbigay ng mga soil test kits sa mga katutubo.

Dumalo sa aktibidad na ginanap nitong Agosto 19 ang mga katutubo mula sa mga bayan ng Ocampo, Tigaon, Sagñay, at Goa, Camarines Sur. Nagsagawa din ng kaparehong pagsasanay para naman sa mga katutubong mula sa mga bayan ng Baao, Buhi, at Lungsod ng Iriga nitong Agosto 20.

Layunin ng pagsasanay na ito na masuri ang kalagayan ng mga lupang sakahan at matukoy ang angkop na uri, dami, at tamang panahon ng paggamit ng abono upang mapataas ang produksyon. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ang mga katutubong magsasaka ng sapat na kaalaman upang mas mapatass ang kanilang ani.

Bukod dito, tinutugunan din ng pagsasanay ang layunin ng Regional Soils Laboratory na palawakin at paigtingin ang paggamit ng soil testing kits sa mga maliliit na komunidad.

Sa kabuuan, 33 katao ang lumahok sa pagsasanay — 23 kababaihan at 10 kalalakihan. (Marion Noceda – 4K Program)