Nagsagawa ang Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) Communications and Public Affairs Division (CPAD) ng Agri Credit Ugnayan sa Fuerte Sports Complex, Pili, Camarines Sur upang mailapit sa mga magsasaka at mangingisda ang mga programang pautang at iba pang serbisyo ng pamahalaan nitong Agosto 27, 2025.
Layunin ng aktibidad na tugunan ang kakulangan ng impormasyon at access sa puhunan. Sa pamamagitan ng orientations at credit matching sessions, ipinaliwanag ang mga available credit windows, eligibility requirements, at tamang proseso ng aplikasyon ng DA -ACPC programs, Landbank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP). Nagkaroon din ng pagkakataong makilala ng mga Partner Lending Conduits (PLCs) ang mga potential borrowers at maipaliwanag ang mga insurance programs ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa risk mitigation, kabilang ang on-site processing ng aplikasyon.
Tinatayang 300 magsasaka, mangingisda, agri-fishery associations at micro and small enterprises (MSEs) ang lumahok. Bukod sa mga pautang, hinimok ang mga kalahok na:
• magparehistro sa RSBSA at National ID,
• magbukas ng basic deposit account, at
• kumuha ng insurance upang maging kuwalipikadong benepisyaryo ng mga programa ng DA.
Nagbigay-inspirasyon ang tatlong natatanging ACPC borrowers — sina Rebecca S. Purisima ng VK’s Farm, Marilyn A. Haya ng M.A. Haya Dried Fish, at Luz R. Payla, General Manager ng Camarines Norte Development Cooperative (CANDEVCO) — sa pamamagitan ng kanilang mga kwento ng tagumpay. Tampok din sa programa ang photo exhibit ng ilang ACPC borrowers mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Dumalo sa programa sina DA ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero; mga opisyal ng ACPC mula sa Maynila; ACPC Bicol Focal Person Michael Jordan Roquid; Dr. Maria Christina F. Campita, kinatawan ni DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla; Angel G. Naval, Executive Assistant ng Provincial Local Government Unit of Camarines Sur; at ilang Municipal Agriculturists/Officers mula sa rehiyon.
Para sa Karagdagang Impormasyon
Maaaring bumisita sa opisina ng ACPC Bicol sa Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Building, DA Regional Field Office 5 compound, Brgy. San Agustin, Pili, Camarines Sur, o magpadala ng e-mail sa mjoroquid@acpc.gov.ph.
