LABO, CAMARINES NORTE — Mahigit sa P12 milyong halaga ng mga inorganic fertilizer, Gulayan sa Paaralan, at Gulayan sa Barangay packages ang ipinamahagi ng Department of Agriculture Bicol High Value Crops Development Program (DA HVCDP) sa ginanap na High Value Crops Development Program Launching of Gulayan Projects and Mass Distribution of Interventions sa bayan ng Labo, Camarines Norte noong ika-17 ng Hulyo ngayong taon.

Namahagi ang DA HVCDP ng inorganic fertilizer package na may kabuuang halaga na P11,324,000 sa apat na primary cluster area for pineapple growers. Kabilang sa tumanggap ng 1,000 bag ng muriate of potash, 1,200 na bag ng urea, at 3,400 na bag ng AmmoPhos ang San Vicente Kaanib Agriculture Cooperative (SVKAC), Caayunan Multi-Purpose Cooperative, Labo Progressive Multi-Purpose Cooperative (LPMPC), at San Lorenzo Ruiz Farmers Agricultural Cooperative. Layunin nitong mapagbuti ang produksyon at mas mapaunlad ang industriya ng pinya sa Bicol.

Samantala, 50 paaralan ang tumanggap ng School Garden Package na nagkakahalaga ng P11,309 bawat isa. Sa kabuuan, umabot sa P565,490 ang halaga ng mga ipinamahaging package sa mga paaralan. Limang barangay din ang nakatanggap ng Gulayan sa Barangay Package na may halagang P69,793 bawat isa, na may kabuuang halaga na P348,965. Katuwang ang Department of Education, Department of the Interior and Local Government (DILG), pamahalaang panlalawigan, pamahalaang lokal, at Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) ng Camarines Norte, hangarin ng programa na isulong ang pagtatanim at pagkain ng masustansyang pagkain sa mga kabataan at itaguyod ang diwa ng bayanihan at malusog na pamumuhay sa mga barangay. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga gulayan sa mga paaralan at komunidad.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patatagin ang sektor ng agrikultura tungo sa pagkamit ng seguridad sa pagkain sa Pilipinas.

Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5 Kuhang larawan nina: Eduardo D. Collantes, Jr. at Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5