SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR — Matagumpay na isinagawa ang Bicol Agriculture and Fisheries Resources, Research and Extension for Development Network (BAFRREDN) 4th Quarter Meeting nitong ika-6 ng Nobyembre, 2025, sa DA RFO 5 compound. Pinangunahan ni Dr. Maria Christina F. Campita, Chief ng Research Division at Vice Chairperson ng BAFRREDN, ang pagpupulong na nilahukan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya, National Government Agency (NGAs), PLGUs, at State University and Colleges (SUCs) sa rehiyon.
Sentro ng talakayan ang paghahanda para sa nalalapit na 4th National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition (NAFTE). Gaganapin ito sa Albay sa pangunguna ng BAFRREDN.
Pinag-usapan ang magiging papel ng mga miyembro, kabilang ang mga SUCs at NGAs, upang matiyak ang matagumpay na partisipasyon at pagtanggap sa mga bisitang lalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Hinikayat ang bawat miyembro ng network sa Bicol na ihanda at itanghal ang kanilang mga natatanging lokal na produkto.
Tinalakay rin ang mahalagang usapin hinggil sa iminungkahing isasama ang BAFRREDN sa Regional Development Council – Research, Development and Innovation Committee (RDC-RRDIC) Matrix. Nagbigay rin ng update ang pagpupulong hinggil sa pagpapatupad ng DA-DOLE-TESDA TUPAD Scale Up Program at ang pagtatatag ng NCII assessment site ng DA RFO 5, para sa pagpapalawak ng NC II assessment para sa mga tauhan at magsasakang kliyente.
Ibinahagi rin ang mga naging resulta ng mga pananaliksik ng Research and Development (R&D).
Pinangunahan ni Arlene San Buenaventura mula sa Livestock Research Unit ang paglalahad tungkol sa kinalabasan at progreso ng kanilang pag-aaral. Ang pag-uulat na ito ng mga resulta ay isasagawa sa bawat pulong upang tuloy-tuloy na malaman ng lahat ng kasapi ng BAFRREDN ang kasalukuyang takbo ng kani-kanilang mga pananaliksik.
Nirekomenda rin ni Dr. Joey A. Belarmino, Center Director ng Agriculture Training Institute (ATI) na ipasa sa kanila ang nasabing proyekto kung maaari na itong makomersiyalisa.
Bilang pagtatapos, inanunsyo rin ang mga detalye hinggil sa scholarship program ng Nagoya University na maaaring mapakinabangan ng mga miyembro ng BAFRREDN.
(Ulat ni Cyril A. Baldoza ng Research Division)
