BAAO, Camarines Sur – Patuloy na inilalapit sa mga mamamayan ang abot-kayang bigas sa pamamagitan ng programang Benteng Bigas ng Pangulo, matapos ilunsad ngayong Setyembre 1, 2026 sa Barangay Del Rosario, Bayan ng Baao, Camarines Sur, na kinilala bilang kauna-unahang barangay sa lalawigan ng Camarines Sur na naglunsad ng nasabing programa.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA), Food Terminal Inc. (FTI), at Lokal na Pamahalaan ng Baao, kabuuang 400 bags ng bigas ang inilaan para sa programa at ipinamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa limang kalapit na barangay ng Barangay Del Rosario.

Layunin ng programa na mabigyan ang mga mamamayan ng mas abot-kayang bigas at makatulong sa pagpapagaan ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino, partikular ang mga sektor na nangangailangan ng dagdag na suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa ginanap na launching, naghatid ng mensahe at nagpahayag ng suporta sa pagpapatupad ng programa sa kanilang bayan si Hon. Mayor Jeffrey S. Besinio, Municipal Mayor ng Baao. Nagbigay rin ng mensahe si Punong Barangay John-Mar B. Briones ng Barangay Del Rosario, na nagpasalamat sa mga ahensya at katuwang na naging bahagi ng matagumpay na paglulunsad ng programa sa kanilang barangay.

Samantala, ibinahagi ni FTI Vice President for Operations Atty. Mark Christopher A. Babor ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang maisulong ang mga programang direktang nakatutulong sa mga mamamayan.

Kinatawan naman ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Department of Agriculture Regional Field Office V si Mr. Benjamin Peñaserada, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng koordinasyon at pagtutulungan ng mga katuwang na institusyon sa matagumpay na pagpapatupad ng Benteng Bigas ng Pangulo.

Ang paglulunsad sa Barangay Del Rosario bilang kauna-unahang barangay sa Camarines Sur na nagpatupad ng programa ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na ilapit ang mga programang nagbibigay ng abot-kayang pagkain sa mga komunidad, kabilang ang mga mamamayan mula sa mga kalapit na barangay na nabigyan ng pagkakataong makabili ng abot-kayang bigas.

Sa pamamagitan ng pagkakaisa ng DA, FTI, Lokal na Pamahalaan ng Baao, at mga barangay, patuloy na naihahatid ang mga programa at serbisyong naglalayong makatulong sa kapakanan at seguridad sa pagkain ng mga mamamayan.