TIGAON, CAMARINES SUR– Mas marami na ang naabot ng Benteng sa Partido Area matapos ilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Tigaon ang programang Benteng Bigas ng Pangulo nitong ika-26 ng Agosto.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA), Food Terminal Inc. (FTI), National Food Authority (NFA), at Lokal na Pamahalaan ng Tigaon, inilaan ang kabuuang 200 bags ng bigas na tig-10 kilo para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa.
Isinagawa ang paglulunsad sa Lokal na Pamahalaan ng Tigaon, Camarines Sur, kung saan maaaring makabili ng mas abot-kayang bigas ang mga magsasaka, mangingisda, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), minimum wage earners, at iba pang kwalipikadong sektor, alinsunod sa mga panuntunan ng programa.
Magkakaroon ng regular na iskedyul ng pagbebenta ng P20 rice sa LGU tuwing ika-15 ng buwan.
Dinaluhan ang paglulunsad nina Municipal Agriculturist Lea Beltran; Ken Justine Balbuena, Agriculturist I ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD); Ron Gohel ng Food Terminal Inc.; at Hon. Saturnino Sanoy Jr., Municipal Councilor at Committee Chairperson on Agriculture ng Bayan ng Tigaon, kasama ang iba pang mga opisyal at katuwang ng programa.
Sa pamamagitan ng Benteng Bigas, patuloy na isinusulong ng mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan ang mga hakbang upang mapalawak ang access ng mga mamamayan sa abot-kayang pagkain at makatulong sa pagpapagaan ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
