Ang Albay Research and Development Center (ARDC), na kilala rin bilang Albay Experiment Station (AES), sa Mayon Crossing Buang Tabaco City, Albay ay accredited na ng Bureau of Plant Industry (BPI) bilang ganap na Pili Nursery Operator. Ang ARDC ay isa sa mga Research Outreach Stations ng Department of Agriculture RFO 5.
Sakop ng Certificate of Accreditation na nilagdaan ni BPI Director Dr. Gerald Glenn F. Panganiban ang mga puno ng pili na may barayti na M. Orolfo, Laysa, Lanuza, Magayon, Mayon #1 at Orbase na matatagpuan sa 50 ektaryang pasilidad ng ARDC na nakatuon sa pagpaparami ng mga dekalidad na pantanim. Ayon kay Ronaldo Coprada, OIC Station Head ng ARDC, aabot sa 90 na puno ng pili ang nakatanim ngayon sa kanilang Foundation Grove.
Ilan sa mga serbisyo ng ARDC ay ang pagbebenta ng mga punla (seedlings) ng pili na garantisadong malulusog at may mataas na kalidad. Nagbibigay din ang ARDC ng mga pagsasanay at seminars tungkol sa tamang paraan ng pagtatanim, pag-aalaga, at pagpapabunga ng mga puno ng pili.
Bilang isang accredited nursery operator, nagsisilbing modelo ang ARDC sa iba pang nurseries sa Bicol Region at sa mga magsasaka ng pili. Dito sila maaaring matuto ng mga bagong teknolohiya at pinakamahusay na kasanayan (best practices) sa pagpapalago ng pili. Ang akreditasyon ng ARDC ay nagpapatunay na ang kanilang mga pamamaraan ay subok at epektibo.
Ang pagkakaroon ng accredited nursery tulad ng ARDC ay nagtataguyod ng standardisasyon sa industriya ng pili. Tinutulungan nito na maiwasan ang pagkalat ng mababang kalidad na punla na maaaring makasira sa reputasyon ng pili bilang isang de-kalidad na produkto ng Bicol.
Tinitiyak din ng akreditasyon na ang mga magsasaka ay namumuhunan sa mga punla na may mataas na tsansa na maging malulusog at produktibong puno kaya tiyak na magiging matagumpay ang kanilang pamumuhunan sa agrikultura.
Sa kabuuan, ang akreditasyon ng ARDC ay hindi lamang isang simpleng sertipiko. Ito ay isang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapabuti ng industriya ng pili. Sa pamamagitan nito, napoprotektahan ang mga magsasaka, napapanatili ang kalidad ng produkto, at napapalakas ang buong ekonomiya ng pili sa rehiyon ng Bicol.
Ang mga serbisyo ng ARDC o AES ay nakatutok sa pagtulong sa mga magsasaka na mapabuti ang kanilang ani at mapalawak ang kanilang mga kaalaman. Mayroon din silang mga punla na galing sa iba’t ibang pili varieties. Maaaring matukoy at makapili ang mga magsasaka ng iba’t ibang uri na angkop sa kanilang mga lupa at pangangailangan,
Maaari ding magkonsulta ang mga magsasaka tungkol sa kanilang mga isyu sa pagtatanim at pagpapalago ng pili, tulad ng mga sakit at peste na umaatake sa kanilang mga tanim, sapagkat may sapat na kaalaman ang mga eksperto sa research center upang makapagbigay ng makabuluhang payo.
Sino ang Pwedeng Makinabang sa mga Serbisyo?
Ang mga serbisyo ng ARDC-AES ay para sa lahat ng mga indibidwal na magsasaka, grupo, o kooperatiba na nais magsimula ng pili farm at nangangailangan ng de-kalidad na pananim. Maaari din ang mayroon nang pili farm at gustong palitan ang kanilang mga puno o magdagdag pa ng mga pananim. Pwede din matulungan ang mga magsasaka o negosyante na nais matuto tungkol sa modernong paraan ng pagpaparami ng pili. Maari din ang mga residente ng Albay at kalapit na lalawigan na interesado sa pagpapaunlad ng industriya ng pili.
Ang ARDC din ang pinakaunang PhilGAP certified Research Outreach Station ng DA Bicol. Maari silang makontak sa kanilang email address: da5.ardc@gmail.com
Ulat ni Lovella P. Guarin
Kuhang-larawan ng: ARDC at Eduardo Collantes, Jr
