PILI, CAMARINES SUR — Patuloy na inihahatid ng Department of Agriculture (DA) sa Bicol, sa pamamagitan ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA), ang mga angkop na intervention para sa mga magsasaka at farmer organizations.

Nitong nakaraang Hulyo at ngayong Agosto, kabilang sa mga naihatid sa mga FCAs ang rice harvester, iba’t ibang uri ng binhi, feeds, power sprayer, at iba pang kagamitan at agricultural inputs na tumutulong sa pagpapagaan ng trabaho, pagpapababa ng gastos, at pagpapalakas ng produksyon sa bukid.

Higit pa sa mga kagamitan at inputs, layunin ng AMIA na mabigyan ang mga magsasaka ng kasanayan at kaalaman upang mas mahusay nilang mapakinabangan ang mga natatanggap na suporta. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, teknikal na gabay at climate information, natutulungan silang makapaghanda, makapagdesisyon nang mas maayos, at makapili ng mga pamamaraang angkop sa nagbabagong kondisyon ng panahon.

Sa bawat intervention, dala ng DA-AMIA ang hangaring mapagaan ang buhay ng mga magsasaka at mapatatag ang kanilang kabuhayan. Hindi lamang kagamitan ang inihahatid, kundi mga pagkakataong makapagpatuloy, makabangon at umunlad ang mga pamilyang umaasa sa agrikultura. Sa sama-samang pagkilos ng DA, mga farmer organization at komunidad, patuloy na isinusulong ang isang agrikulturang mas matatag at handa sa anumang hamon ng klima.