OCAMPO, CAMARINES SUR – Mahigit 300 na magsasaka ang lumahok sa dalawang araw na Hybrid Rice Technology Demonstration at Farm Walk ng Department of Agriculture (DA) Bicol Rice Program noong Pebrero 5–6, 2026 sa Brgy. San Vicente sa bayang ito.

Ang 16-ektaryang hybrid rice techno demo site ay nagbigay ng inspirasyon sa mga magsasakang dumalo, mga myembro ng farmers cooperative and associations, at lokal na mga opisyales.

Ayon kay Romeo Contente, Pangulo ng Brgy. San Vicente Balingbing Irrigators Association, Inc. na nagsilbing cooperator, “lahat po ng kasamahan ko dito sa aming barangay ay nayaya ko na magcooperate sa hybrid rice dahil sa tingin ko po yan ang nagbibigay sa amin ng masaganang ani. Dati naming tinatanim dito ay mga inbred rice… ngayon sa pag-gamit namin ng hybrid talagang mas marami ang ibinibigay na ani sa amin.”

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Municipal Councilor Teressa Soriano ang kahalagahan ng paggamit ng hybrid rice. Batay sa kanyang personal na karanasan bilang magsasaka, mas mataas aniya ang ani ng hybrid kumpara sa inbred varieties.

Isinagawa ng DA Bicol Rice Program ang techno demo at farm walk upang ipakita ang mas magandang resulta ng pagtatanim ng hybrid rice. Kabilang sa mga barayting itinanim ang Bigante Plus, AZ8455, Biorice Zarap, Biorice 453, RH9000, S6003, Leads 143, LP2096, LP937, US88, US 77, SL 39 at SL 19.
Tinalakay ang paggamit ng mga high-yielding rice varieties ng walong pribadong kumpanya na kinabibilangan ng SL Agritech, Allied Botanical Corporation, Syngenta, Seedworks, Bayer, LEADS Agri, Bioseed, at Pro Agri Seed Corporation.

Ang farm walk ay pinangunahan ni Alex Atian, technical staff ng Rice Program at Ocampo OIC Municipal Agriculturist Michelle B. Ricafrente. Naroon din sila Konsehal Ruel Irlanda, Konsehal Teresa Soriano, at Kapitan Jake Ryan Olos.
Isinulat ni: Bettina Andrea B. Bordon, RAFIS 5 | Mga kuhang larawan nina: Raymond Adversario at Zandra Abogado, RAFIS 5