Upang matulungan ang mga Farmers’ Cooperative and Associations (FCAs) na mapalakas ang kanilang kabuhayan, ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) Bicol sa pangunguna ni Regional Executive Director Rodel P. Tornilla ang tulong-pinansyal na may kabuuang halaga na P1.7M sa dalawang kwalipikadong benepisyaryo mula sa Camarines Sur.
Sa ilalim ng KADIWA Financial Grant Assistance Program, tumanggap ng P1.1M ang Sipocot Farmers and Fisherfolk Agriculture Cooperative mula sa Sipocot, Camarines Sur, sa pangunguna ng kanilang Chairman na si Judith A. Mangalino. Ang nasabing halaga ay gagamiting pambili ng delivery vehicle para sa kanilang KADIWA on Wheels at bilang karagdagang kapital ng kooperatiba.
Samantala, sa ilalim naman ng Agri-Entrepreneurship Capability Enhancement Assistance (AECCEA) Financial Grant, tinanggap ng San Roque Sagumay Farmers Agriculture Cooperative ng Nabua, Camarines Sur ang halagang P639,000 sa pangunguna ng kanilang Chairman na si Nancy B. Montaña. Gagamitin ang pondo para sa pagpapatayo ng KADIWA Retail Store at dagdag-puhunan sa kanilang operasyon.
Kasama rin sa isinagawang turnover ng tseke sina Regional Technical Director for Operations Dr. Mary Grace DP. Rodriguez, Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) OIC-Chief Engr. Luisito R. Baltazar, at AMAD staff. (Ulat at kuhang larawan ni: Z. Abogado)
