Upang mapalakas ang industriya ng pili sa rehiyon, nagpaabot ng suporta ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol sa 17 farmers’ cooperatives and associations (FCAs) na benepisyaryo ng Implementing the National Framework on Access and Benefit Sharing of Genetic Resources and Associated Knowledge in the Philippines (ABS Project).

Ang ABS Project ay isang proyektong ipinatutupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Biodiversity Management Bureau katuwang ang United Nations Development Programme (UNDP) Philippines at pinondohan ng Global Environment Facility (GEF).

Bilang bahagi ng Technical Working Group (TWG) ng proyekto, nagpaabot ng tulong teknikal ang Department of Agriculture Bicol Albay Research and Development Center (ARDC) kabilang na ang pagsasanay sa Nursery Establishment and Propagation. Sa kanyang mensahe sa Awarding of Pili Start-Up Kits na ginanap sa siyudad ng Legazpi ngayong araw, binigyang-diin ni ARDC Superintendent Ronaldo B. Coprada ang kahalagahan ng proyekto sa pagsiguro na sapat at de kalidad ang pili sa rehiyon. Ito ay upang mapanatili ang mataas na suplay ng mga produktong mula rito ngayong bukas nang muli ang European Union market .

Tiniyak din niya ang patuloy na  suporta ng ahensya sa mga magsasaka ng pili. Kabilang sa pili planting start-up kits na  ipinamahagi ng DENR ang tiglilimang piraso ng bawat barayti ng pili mula sa DA na gagamitin nila sa pagtatag ng pili scion grove.

Kaugnay nito, tinanggap din ng Mt. Mayon Pili Producers Cooperative at Southern Legazpi Upland Barangays Links Farm Farmers Association Inc. ngayong araw ang tig-isang  yunit ng pili nursery na may kabuuang halaga na P4 milyong piso mula sa DA Bicol High Value Crops Development Program (HVCDP).

Isa ang pili sa mga natukoy na genetic resources sa Bicol na ginamit ng ABS Project bilang modelo upang mapaunlad ang lokal na komunidad at mapangalagaan ang kalikasan.

Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5

Kuhang larawan nina: Annielyn L. Baleza at Ramon C. Adversario Jr., DA RAFIS 5