Sabayang idinaos sa anim na probinsya ng Bicol: Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon, ang ginanap na MOA Signing at Paglulunsad ng Gulayan sa Bayan Project ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol sa pangunguna ng High Value Crops Development Program (HVCDP) nitong ika-18 at ika-19 ng Agosto ngayong taon. Ito ay kaugnay ng adhikaing higit na mapalakas ang seguridad sa pagkain; maisulong ang malusog at sustenableng pamumuhay; at upang makapagbigay ng dagdag na kabuhayan sa mga komunidad.

Ang bawat benepisyaryo na binubuo ng mga Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), Rural Improvement Clubs (RICs), 4H Clubs, at senior citizens group ay makakatanggap ng intervention package na nagkakahalagang ₱102,274.62 bawat isa, at binubuo ng iba’t ibang binhi ng gulay, plastic mulch, vegetable twine, water plastic hose, UV plastic, at iba pang gamit pang-agrikultura.

Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga Municipal Agriculturists, Municipal HVCDP Coordinators, at anchor group ng mga LGUs na nagsisilbing katuwang sa aktwal na pagpapatupad at pagsubaybay sa mga komunidad.

Sa kabuuan, mahigit ₱10.9 milyon na halaga ng tulong ang ipamamahagi sa buong rehiyon. Ang mga ito ay magsisilbing puhunan ng mga komunidad upang makapagtatag ng sustenableng gulayan, na makatutulong hindi lamang sa pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain, kundi maging sa pagkakaroon ng dagdag na kabuhayan para sa bawat pamilyang Bicolano.

Kabilang sa mga nakiisa at nagpakita ng buong suporta sa programa ang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DOH) at National Nutrition Council (NNC) na tumututok sa aspeto ng kalusugan at nutrisyon; Agricultural Training Institute (ATI) para sa pagsasanay at kaalaman sa teknolohiya; Department of Labor and Employment (DOLE) para sa aspeto ng kabuhayan; Department of Education (DepEd) para sa integrasyon ng urban gardening at gulayan sa paaralan; National Youth Commission (NYC) para sa partisipasyon ng Kabataan; at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa digital support at kaalaman sa teknolohiya.

Ulat ni: Emie Jane B. Malonzo – DA RAFIS 5
Kuhang larawan nina: Zandra Abogado – RAFIS 5; at DA Bicol HVCDP