SAN AGUSTIN, PILI, CAM. SUR — Bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng participatory at evidence-based planning, 80 kalahok mula sa mga Farmers Cooperatives and Associations; City/Provincial Local Government Units; State Universities and Colleges; Regional Agricultural and Fishery Council; Private Sector Representatives; DA Bureaus, Attached Agencies and Corporations; at DA Bicol ang nakibahagi sa ginanap na Consultation with Civil Society Organizations (CSOs) and other stakeholders noong ika-29 ng Oktubre 2025, para sa FY 2027 Plan and Budget Proposal.

Layunin ng aktibidad na ibahagi ang impormasyon at makalap ang puna hinggil sa mga isyu at hamon sa implementasyon ng mga programa, magbigay ng plataporma para sa mga stakeholder upang maiparating ang kanilang mga pananaw at prayoridad, at bumuo ng mga konkretong solusyon at rekomendasyon na magsisilbing gabay sa pinal na pagbuo ng FY 2027 Plan and Budget Proposal.

Bago ang CSO Consultation, nagsagawa ang DA Bicol ng serye ng Joint Planning Exercises (JPEs) na nagsilbing pundasyon ng mga tinalakay sa naturang aktibidad. Nagsimula ito sa Program Convergence Budgeting with National Government Agencies noong Oktubre 9–10, 2025, na naglayong pagtibayin ang koordinasyon ng DA sa mga pambansang ahensya para sa mas epektibong implementasyon ng mga programa.

Kasunod nito ang Joint Planning Exercise with State Universities and Colleges (SUCs) noong Oktubre 14–15, kung saan tinalakay ang papel ng akademya sa pananaliksik at inobasyon sa agrikultura. Sinundan ito ng Joint Planning Exercise with Bureaus, Attached Agencies, and Corporations noong Oktubre 16–17, upang masiguro ang pagkakaugnay-ugnay ng mga inisyatibong pang-agrikultura sa loob ng kagawaran.

Isinagawa naman ang Joint Planning Exercise with Local Government Units (LGUs) noong Oktubre 27–28, 2025, na nakatuon sa pag-aayon ng mga plano ng DA at ng mga LGU sa antas ng probinsya, lungsod, at munisipyo. Ang limang aktibidad ay pinangunahan ng Planning, Monitoring and Evaluation Division (PMED) na pinamumunuan ni OIC Chief Engr. Teodoro C. Eleda.

(Angela Lafuente – RAFIS 5)