Nagsilbing daan sa masusing pagsusuri ng programa at naging plataporma sa ugnayan, pagbabahagi ng kaalaman, at pagpaplano ang isinagawang FY 2025 Midyear Assessment ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP). Layunin nitong higit pang mapalakas ang urban agriculture, hindi lamang sa pagtatapos ng 2025 kundi maging sa pagpapatuloy ng programa sa mga darating pang taon.
Pinangunahan ng Department of Agriculture – Regional Field Office 5 (DA-RFO 5) ang nasabing assessment noong ika-7 hanggang ika-11 ng Hulyo, 2025 sa Irosin, Sorsogon. Ang limang-araw na pagtitipon ay dinaluhan ng mga Regional Focal Persons at opisyal na tagapag-ulat mula sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang mga kinatawan mula sa mga kaakibat na ahensya gaya ng Agricultural Training Institute (ATI), Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE), Bureau of Animal Industry (BAI), at Bureau of Plant Industry (BPI). Bawat tanggapan ay nagbahagi at nag-ulat ng kani-kanilang pisikal at pinansyal na nagawa mula Enero hanggang Hunyo ngayongg taon.
Bagamat hindi pisikal na nakadalo, sa pamamagitan ng Zoom, naging bahagi ng aktibidad si NUPAP Director Dr. Gerald Glenn F. Panganiban at nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa dedikasyon ng mga tanggapang tagapatupad sa pagsusulong ng produksiyon ng pagkain sa mga urban at peri-urban na lugar. Nagbigay rin siya ng mahahalagang komento at mungkahi upang mas mapagbuti pa ang pagpapatupad ng programa.
Sa pagtatapos ng aktibidad, inihayag ng NUPAP Program Management Office (NPMO) ang mga pangunahing rekomendasyon upang mas mapalakas ang implementasyon ng NUPAP. Kabilang sa mga ito ang mas malapit na koordinasyon sa BPI para sa PhilGAP certification, pagpapatibay ng ugnayan sa merkado sa tulong ng AMAD at Kadiwa, at pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng cost and return analysis, pagsusuri sa imprastruktura, at pagtataguyod ng agripreneurship bilang bahagi ng pagpapaigting ng programa.
Ulat ni: Emie Jane Malonzo, DA RAFIS 5
Kuhang larawan ni: Ramon Adversario, Jr. DA RAFIS 5
