“Dito namin nalaman sa Pre-Construcion conference ang mga kahalagahan na maibibigay ng proyektong ito sa mga magsasaka at sa komunidad. Nalaman rin namin na bubuo kami ng monitoring team para i-monitor ang gagawing kalsada.”

Ito ang naging pahayag ni Rubenson Pajara, Brgy. Captain ng Brgy. Agpay, Guinobatan, Albay sa isinagawang Pre-Construction Conference ng Philippine Rural Development Project (PRDP) sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA) para sa I-BUILD subproject na Construction of Segment (A) Agpay to Bololo and Segment (B) Bololo to Batbat Farm-to-Market Road sa Bayan ng Guinobatan, Albay.

Layunin ng pagpupulong na ito na paghandaan ang nalalapit na pagsisimula ng konstruksiyon ng nasabing farm-to-market road (FMR), na inaasahang magpapabuti sa koneksyon ng mga komunidad at magpapabilis sa pagbiyahe ng mga produkto ng agrikultura mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan gayundin ay mapapahusay ang koneksyon ng mga komunidad sa mga rural na lugar.

Ayon kay Jerry Bigornia ng Municipal Local Government Unit ng Guinobatan buo ang kanilang suporta sa proyekto. Tiniyak nila ang pakikipag-ugnayan at tulong sa kontraktor at PRDP team upang maisagawa ang proyekto sa loob ng itinakdang panahon at alinsunod sa mga pamantayang itinakda ng Department of Agriculture.
Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga kinatawan mula sa DA-PRDP Regional Project Coordination Office V (RPCO V), Provincial Local Government Unit (PLGU) ng Albay, Municipal Local Government Unit (MLGU) ng Guinobatan, kontraktor, at mga kinatawan mula sa mga barangay na direktang makikinabang sa proyekto. Tinalakay sa pulong ang mga teknikal na detalye ng proyekto, mga alituntunin sa implementasyon, iskedyul ng aktibidad, at mga tungkulin ng bawat partido upang matiyak ang maayos at transparent na pagpapatupad ng proyekto.

Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Department of Agriculture na palakasin ang rural infrastructure bilang suporta sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor ng agrikultura. Inaasahang makatutulong ito sa pagpapababa ng gastos sa transportasyon, pagpapataas ng kita ng mga magsasaka, at pagpapalago ng lokal na ekonomiya ng Guinobatan.
Sa pamamagitan ng Pre-Construction Conference, tiniyak ng mga ahensya at lokal na pamahalaan ang kanilang koordinasyon at pagtutulungan para sa matagumpay na implementasyon ng proyekto. (Shaira Enimedez, PRDP Bicol InfoACE)