SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR – Aabot sa 50 na mananaliksik ng DA Bicol ang sumailalim sa apat na araw na pagsasanay sa crops at livestock research.
Ito ay upang bigyan ang mga mananaliksik ng mas malalim na kaalaman sa disenyo ng pananaliksik, pangangalap ng datos, implementasyon sa field, at koordinasyon sa laboratory. Pinangunahan ito ng Technical Program Services Section ng Research Division noong ika 15-18 ng Hulyo 2025 sa CBES.
Sa Crop R4D session, natuto ang mga partisipante ng mga kritikal na aspeto ng pananaliksik sa pananim. Kabilang dito ang soil sampling, pagkalkula ng pataba, at pag-set up ng experimental trials para sa iba’t ibang pananim tulad ng palay, gulay, at prutas. Ang mga eksperto mula sa Research at Integrated Laboratories Divisions ang nagbahagi ng kanilang kaalaman.
Samantala, sa Livestock R4D session, tinalakay ang malawak na hanay ng paksa sa pananaliksik ng hayop. Kasama rito ang nutrisyon ng hayop, pagbuo at pamamahala ng pakain, disenyo ng eksperimento, at pangangasiwa ng datos sa pananaliksik ng hayop. Inaasahan na ang mga partisipante ay makakabuo ng dekalidad na mga proposal for funding dahil sa pagsasanay na ito. Ulat ni: Angela Mae Lafuente, RAFIS 5
Kuhang larawan nina: Angela Mae Lafuente at Ramon Adversario, Jr., RAFIS 5
