Matapos ang ilang taong pagtatrabaho bilang overseas Filipino worker, nagbalik sa Ilawod, Camalig, Albay ang retiradong si Ronie L. Nocete upang muling harapin ang buhay sa bukid at ipagpatuloy ang kanyang hilig sa pagsasaka. Sa kanyang dalawang ektaryang integrated farm, pinagsasama niya ngayon ang produksyon ng niyog, cacao, saging, mga punong prutas at gulay, gayundin ang pag-aalaga ng manok at kambing.
Para kay Nocete, ang pagbabalik sa pagsasaka ay naging panibagong simula. Mula sa pagtatanim ng cacao, unti-unti niyang natutunan ang pangangalakal at pagpoproseso nito, hanggang sa makita ang mas malawak na potensyal ng pagiging isang farmer-entrepreneur.
Noong 2018, nagsimula siyang magtanim ng cacao na may kaunting kaalaman lamang sa produksyon nito. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay at seminar sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), natutunan niya ang mga pinahusay na pamamaraan sa produksyon, mula sa nursery management at pagtatanim hanggang sa pruning, pest and disease management, at post-harvest handling.
“Marami po akong natutunan dahil po sa CFIDP project,” ani Nocete. “Yung mga natutunan ko doon, yun ang ina-apply ko ngayon dito sa farm namin.”
Sa kasalukuyan, nasa 600 na ang kanyang mga puno ng cacao.
Kasabay ng paglawak ng kanyang kaalaman ay ang pag-usbong ng kanyang kakayahang magnegosyo. Taong 2020, pumasok siya sa cacao trading at pagsapit ng 2022, sinubukan naman ang processing. Mula sa cacao beans, nagsimula siyang gumawa ng tablea at kalaunan ay premium dark chocolate.
Sa bawat hakbang, nakita ni Nocete ang potensyal na dagdagan ang halaga ng cacao bago ito makarating sa merkado.
“Hindi po tayo dapat ma-satisfy sa pagtatanim at benta ng ating produkto…Dapat po matuto rin tayo maging entrepreneurs.”
Lalong lumawak ang kanyang paglalakbay nang makatulong siya sa pagtatatag ng Albay Coconut Entrepreneurs and Farmers’ Cooperative (ASEFCO). Bilang accredited cooperative, nagkaroon ito ng access sa project support, kabilang ang humigit-kumulang ₱711,000 seed funding mula sa Department of Agriculture’s High Value Crops Development Program (HVCDP) sa ilalim ng CFIDP para sa cacao nursery.
Sinimulan noong 2025 at ipinapatupad ngayong 2026, nakatuon ang proyekto sa produksyon ng grafted UF18 at BR25 cacao seedlings. Pitumpung porsiyento ng mga punla ang ibebenta upang masuportahan ang pagpapatuloy ng nursery, habang 30 porsiyento ang ipamamahagi nang libre sa mga miyembro ng kooperatiba at interesadong cacao growers sa Camalig.
“Yun po ang isang benefits na nakuha namin sa DA bilang accredited cooperative,” ani Nocete.
Sa ganitong paraan, lumalawak ang naging bunga ng kanyang pagkatuto. Ang kaalamang natanggap niya ay naibabahagi sa iba, habang ang mga punlang nagmumula sa nursery ay nagbubukas ng panibagong pagkakataon para sa kapwa cacao growers.
Sa kabila ng mga hamon sa cacao production dulot ng panahon, patuloy na nililinang ni Nocete ang kanyang sakahan, pinapalago ang kooperatiba, at hinihikayat ang kapwa magsasaka, lalo na ang kabataan, na matuto at tuklasin ang potensyal ng processing, marketing at entrepreneurship.
Sa pagbabalik ni Nocete sa bukid, muling nag-ugat ang isang pangarap. Sa paglipas ng panahon, naging simula ito ng kanyang pagbabago, mula sa magsasakang nagtatanim, tungo sa negosyanteng lumilikha ng dagdag na halaga, at sa isang farmer-entrepreneur na tumutulong magtanim ng oportunidad para sa iba.






