Bilang suporta sa mga magsasaka ng high value crops sa Bicol, pinasinayaan ng Department of Agriculture (DA) Bicol sa pangunguna nina DA Bicol Regional Technical Director (RTD) for Operations at DA High Value Crops Development Program (HVCDP) Regional Coordinator Dr. Mary Grace DP. Rodriguez at OIC RTD for Research and Regulations at Research Division Chief Dr. Maria Christina F. Campita ang Dehydration Facility para sa food processing at product development noong ika-27 ng Oktubre ngayong taon.

Ang nabanggit na proyekto na matatagpuan sa loob ng DA Compound sa Brgy. San Agustin, Pili, Camarines Sur ay may kabuuang pondo na ₱5.99 milyon. Layunin ng proyekto na magsilbing demonstration trial facility, training center, at product showcase venue para sa mga magsasaka, kooperatiba at iba pang interesadong stakeholder ng high value crops sa rehiyon.

Bahagi ng proyekto ang pagpapatayo ng pasilidad at pagbili ng mga makabagong kagamitan tulad ng freeze dryer, dehydrator, vacuum sealer, at iba pang processing equipment. Sa pamamagitan nito, inaasahang mapalalakas ang kakayahan ng mga magsasaka sa pagproseso ng kanilang ani at madaragdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng value-adding technologies.

Ang pasilidad ay pamamahalaan ng Food Laboratory sa ilalim ng Research Division, na siyang mangangasiwa sa operasyon at maintenance ng proyekto katuwang ang HVCDP.

Inaasahang magbibigay-daan ang proyekto sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka, pagpapalago ng lokal na industriya ng high value crops, at paglikha ng mga de-kalidad na produktong maaaring maipagbili at maipagmamalaki sa loob at labas ng bansa.

Ganap na magsisimula ang operasyon ng pasilidad pagsapit ng Enero sa susunod na taon.

Ulat ni: Angela Mae P. Lafuente, RAFIS 5
Kuhang larawan nina: Angela Mae P. Lafuente at Zandra G. Abogado, RAFIS 5