USON, MASBATE – Pinaigting ng Amigo Masagana Farmers Association ang kanilang kampanya para sa seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng estratehikong farm diversification sa AMIA Village, Barangay Quezon.

Ang nasabing AMIA Village ay nakapagbenta ng 175 tray ng itlog ng manok at mahigit 700 itlog ng itik kada linggo. Ang pagkakaroon ng mga patabaing baboy at ang regular na ani ng mga sariwang gulay ay lalo pang nagpapatatag sa food security ng Barangay Quezon.

Ang hakbang na ito ay nakaangkla sa prinsipyo ng Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation (DRR-CCA). Sa pamamagitan ng farm diversification at pagpapalawak ng kanilang mga produkto, hindi na lamang sila nakadepende sa iisang uri ng ani. Ito ay nagsisilbing proteksyon o buffer laban sa mga natural hazards gaya ng matitinding bagyo, baha, at tagtuyot na madalas tumama sa lalawigan. Ang pagkakaroon ng sari-saring pagkukunan ng kita ay tinitiyak na kahit masalanta ang isang bahagi ng sakahan, mayroon pa ring matitira para sa kabuhayan at pagkain ng komunidad.

“Hindi na sapat ang tradisyunal na pagsasaka. Sa tulong ng Climate-Resilient Agriculture (CRA), binabago namin ang aming sistema para maging negosyong hindi basta-basta matitibag ng bagyo o pabago-bagong presyo sa merkado. Ang layunin namin ay siguruhing may kita at pagkain ang bawat miyembro anuman ang hamon ng panahon,” ayon kay Ginoong Ariel D. Dollete ,Pangulo ng Asosasyon.

Dahil sa farm diversification, mas epektibong naipapatupad ang mitigation strategies upang mabawasan ang mga posibleng damages sa lokal na sistema ng pagkain. Ang dumi mula sa livestock ay nagagamit bilang organic fertilizer para sa mga pananim, na nagpapababa sa gastos at nagpapataas ng kalidad ng lupa laban sa degradasyon.

#AMIA
#AMIACREATEs