Upang mas mapabilis ang paghahatid ng tulong sa sektor ng agrikultura tuwing may kalamidad, isinagawa ng Department of Agriculture (DA) Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Unit ang isang specialized training-workshop para sa DRRM Information System sa Virac, Catanduanes.
Ang DRRMIS ay isang modernong web-based platform na layuning i-automate at i-digitalize ang pag-uulat ng mga pinsala at lugi sa pagsasaka at pangingisda. Sa pamamagitan nito, mapapalitan na ng mabilis at wastong digital data capture ang dating manual na proseso ng pag-uulat.
Sa loob ng tatlong araw, sumailalim sa hands-on training ang mga Municipal Agriculturists at report officers mula sa 11 munisipalidad ng Catanduanes, kasama ang mga kinatawan mula sa Provincial Local Government Unit (PLGU) at DA Agricultural Program Coordinating Office (APCO).
Nakatuon ang workshop sa pag-master ng Damage and Losses Assessment (DALA) form encoding at real-time simulation ng pag-upload ng datos sa DRRMIS Production system.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Catanduanes Provincial Agriculturist Ace William Tria sa inisyatibong ito ng DA Regional Office. “Maraming salamat sa pagsasagawa ng napakagandang training-workshop na ito, talagang tinupad nila ang pangakong binitawan matapos ang huling bagyo. Ang Pamahalaang Panlalawigan at lahat ng LGU sa Catanduanes ay lubos na nagpapasalamat dito,” ani Tria.
Higit pa sa mabilis na pag-uulat, ang DRRMIS ay may kakayahang magsagawa ng: Automated Assessment: Mabilis na kalkulasyon ng pinsala sa pananim, livestock, pangisdaan, at agri-infrastructure. Geospatial Visualization: Digital mapping ng mga apektadong lugar para sa mas malinaw na disaster analysis. Centralized Beneficiary Tracking: Mas maayos na monitoring ng mga makakatanggap ng tulong mula sa Quick Response Fund (QRF). Historical Data Warehousing: Pag-iimbak ng datos mula sa mga nakaraang sakuna upang magsilbing basehan sa mas matibay na disaster planning sa hinaharap.
Upang matiyak ang integridad ng impormasyon, ang mga City at Municipal LGUs ang magsisilbing data encoders, habang ang provincial at regional offices naman ang tatayong validators bago pinal na maipadala ang ulat sa national level. Ang hakbang na ito ay bahagi ng pangako ng DA na palakasin ang agricultural resilience ng Catanduanes, na madalas daanan ng mga bagyo, sa pamamagitan ng teknolohiya at modernong pamamahala.
