SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR – Si Precious Fleur S. Durante ng Polangui South Central School, Polangui Albay, ang muling nagkamit ng unang gantimpala sa ginanap na On-the-Spot Regional Poster Making Contest na may kinalaman sa selebrasyon ng World Food Day. Ang tema ngayong taon ay “Innovate today, nourish tomorrow.”

Si Durante ay tumanggap ng P5,000 na papremyo at sertipiko at siya ang kakatawan sa Bicol Region sa National Poster Making contest sa Quezon City na gaganapin sa Oktubre 16 sa pinaka-araw ng World Food Day. Sasamahan siya ng kanyang coach na si Gng. Julie Bendian.

Samantala, pumangalawa naman si Prince Nathan D. Alamer mula sa Pangpang Elementary School, Sorsogon City na tumanggap ng P3,000 na gantimpala. Pangatlo si Ystela Eve G. Belza ng iriga South Central School ng Iriga City, Camarines Sur.

Umabot sa 13 dibisyon ang lumahok sa regional poster making contest na ginanap sa Mago Hall, sa DA Bicol compound, San Agustin, Pili, Camarines Sur nitong ika-26 ng Setyembre 2026.

Ang patimpalak ay taun-taon isinsagawa para sa mga pampublikong paaralang elementarya sa pagtutulungan ng Department of Agriculture sa pangunguna ng RAFIS na pinamumunuan ni Lovella Guarin, at ng Department of Education na kinatawan naman ni Gng. Christie Alvares, overall coordinator. Katuwang din ang Agriculture and Fisheries Information Division (AFID) at Food and Agriculture Organization ng United Nations.