Nakipag-ugnayan ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Bicol sa Kagawaran ng Kalusugan sa rehiyon upang masiguro na ang mga proyektong pangkaunlaran na ipapatupad ng ahensya ay makakabuti sa kalusugan ng komunidad.

Sa ginanap na Orientation and Awareness Campaign on Health Impact Assessment (HIA), binigyang-diin ng Kagawaran ng Kalusugan na alinsunod sa Department of Health-Department of the Interior and Local Government (DOH-DILG) Joint Administrative order 2021-0001 at sa Section 33 ng Universal Health Care Act, ang mga proyektong pangkaunlaran na maaaring makaapekto sa kalusugan, ipapatayo malapit sa mga lugar na nangangalaga sa kalusugan, at nagkakahalaga ng P2.5 bilyon pataas ay kailangang magsagawa ng Health Impact Assessment (HIA).

Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad ang mga hepe at kinatawan ng bawat opisina ng ahensya. Itinuro sa kanila ang kahalagahan ng HIA, ang proseso ng pagsasagawa at pagsusuri nito, at ang mga susunod na hakbang upang maipatupad ito. Ayon kay Sarah Mae B. Magtagnob, Nurse III ng Department of Health Bicol Center for Health Development Health Promotion Unit, mahalaga na mabigyan ng prayoridad ang mga programang pangkalusugan sa pagbuo ng malusog na lipunan.

Aniya, “Medical care only accounts for 20% of health outcomes while 80% can be attributed to the social determinants of health.” Kabilang ang agrikultura at produksyon ng pagkain sa mga social determinants of health o mga salik na hindi medical ngunit nakakaapekto sa kalusugan. Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5 Kuhang larawan ni: Ramon C. Adversario Jr. at Hermito Antonio T. Privaldos, DA RAFIS 5