Pinarangalan ng Department of Agriculture (DA) Bicol Corn and Cassava Program ang mga katangi-tanging Local Government Units (LGUs), Agricultural Extension Workers (AEWs) at corn clusters bilang pagkilala sa kanilang naging kontribusyon sa industriya ng mais sa Bicol nitong ika-16 ng Disyembre sa Naga City.

Kabilang sa pinarangalan ang mga Provincial LGU ng Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, at Masbate. Binigyan naman ng espesyal na parangal ang mga LGU ng Baao, Calabanga, Buhi, Ragay, San Jose, Bula, Lagonoy, at Minalabac, Camarines Sur dahil sa ipinamalas nilang sipag sa pagsumite ng kanilang mga ulat.

Ginawaran din ng espesyal na pagkilala sina Dolores P. Salting, report officer ng Albay at Elizabeth Delos Reyes, report officer ng Masbate. Siyam na corn clusters naman ang binigyang parangal para sa kanilang aktibong suporta sa Corn Program ng DA Bicol.

Bahagi rin ng isinagawang aktibidad ang pagkilala sa mga retiradong ka-Mais o mga kawani ng DA Bicol at ng mga LGUs na nagtalaga ng kanilang serbisyo sa Corn Program. Kinilala rin ng DA Bicol Corn Program ang suporta ng mga seed companies, Bicol Corn Board, at ng Philippine Maize Federation Inc. (PhilMaize) na katuwang ng ahensya sa implementasyon ng mga programa sa mais.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Earl Vincent Vegas, OIC Field Operations Division Chief ang mga stakeholders ng mais na tugunan ang pangangailangan ng merkado para sa mga inobatibong produkto mula sa mais tulad ng corn syrup, silage, starch at ethanol.

Samantala, nagpaabot rin ng kanyang taos-pusong pasasalamat si DA Bicol Corn and Cassava Program Regional Coordinator Engr. Amabel Bombase at siniguro rin niya ang mas pinahusay at produktibong paglilingkod ng Corn Program sa susunod na taon. (Ulat ni: Annielyn L. Baleza, DA RAFIS 5 | Mga Kuhang Larawan ni Ramon Adversario, Jr. at Zandra Abogado)