Kaugnay ng pagpapatupad ng Executive Order No. 118, s. 2026 na nagtatakda ng P50/kilo na price cap sa imported na bigas, nag-ikot sa Naga City Peoples Mall Rice Section si Department of Agriculture (DA) Bicol Regional Technical Director for Operations Dr. Mary Grace DP. Rodriguez ngayong umaga June 1, 2026.
Kasama niya ang mga kinatawan ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), Department of Trade and Industry (DTI), City Agriculture Office (CAgo) at ang Market Enterprise and Promotions Office (MEPO) ng nasabing lungsod.
Kasabay ng pagsusuri ng mga presyo ng imported na bigas ay ang inspeksyon sa price tag na kulay asul para sa imported rice.
Sa pag-inspeksyon sa mga tindahan ng bigas sa Naga Peoples Mall, may dalawang tindahan ang nabigyan ng Notice of Violation kung saan naitala na mas mataas sa itinakdang ₱50 bawat kilo ang benta ng kanilang 5% broken imported rice. Inaasahan ang may ari ng establisyemento na magbigay ng nararapat na kasagutan kung bakit mas mataas ang kanyang benta sa itinakdang price cap.
Magpapatuloy ang on-site monitoring ng DA Bicol sa mga bigasan sa mga pampublikong pamilihan hanggang umiiral ang EO 118 na nagpapataw ng parusang pansamantala o permanenteng pagsasara ng tindahan, suspension ng lisensya, multa mula P5,000 hanggang P1 Milyon, at pagkakakulong. (Vincent Emil Pasumbal)
